Thursday, March 19, 2009
GRACELAND "LEGACY" QUEZON PROVINCE
Please read....
Graceland , ‘Legacy’ sa Quezon
Jet Claveria
Isang tila ‘Legacy type scam’ na hindi kukulangin sa 200 milyong piso ang nakataya ang puputok anumang araw ngayon matapos na magkaroon na ng lakas ng loob na lumabas ang ilan sa mga diumano’y biktima ng isang kompanyang nagmamay-ari ng isang exklusibong resort and property development sa lalawigan ng Quezon.
Ito’y makaraang humarap sa Monday Times para sa isang exclusive interview ang isa sa mga biktima kasama ang isa pa na sa kasalukuyan ay ayaw pang magpabanggit ng pangalan hanggat hindi niya naisasampa ang kaso laban sa nagkakautang sa kaniya.
Ayon kay Ginang Joanne Villasenor Smith isa sila ng kaniyang asawang si Douglas Smith sa maraming negosyante at propesyonal na nag-invest sa Graceland Properties and Development Inc. na matatagpuan sa Tayabas Quezon ng milyon-milyong puhunan.Ang nasabing resort property ay may lawak na humigit kumulang sa 23 ektarya na pag aari ng isang Soliman. Dahil sa matamis na mga pananalita, umabot sa 11 milyon piso ang kabuuang halaga na naiambag niyang puhunan na tinanggap na personal diumano ni Soliman sa pangakong tatanggap si Ginang Smith ng interes sa puhunan kada buwan kung saan nag-isyu ang una ng mga post dated checks at deeds of assignment para sa mga condominium units na itinatayo ng nabanggit na developer.
Noong una aniyang mga buwan ay pinahalagahan ng banko ang mga tsekeng katumbas ng interes na babayaran ni Soliman ngunit makaraan ang ilang buwan ay nagsitalbog na ang mga tseke na ini-isyu sa kanilang mag-asawa sapagkat ‘account closed’ o sarado na.
Ipinakita ni Smith ang ilan sa maraming tseke na tumalbog bilang patunay sa sinasabi niyang mga tseke na ini-isyu ng Graceland Properties na may solong pirma ni Soliman.
Anim sa mga tseke ay may halagang 25,000.00 ang bawat isa, dalawang 30,000.00 at dalawang 50,000.00. Ipinakita din ni Smith ang apat na tsekeng may ibat-ibang petsa at may halagang tig-isang milyong piso at isang tseke pa na ang nakasulat ay dalawang milyong piso kung saan ay post dated lahat, iba-iba ang petsa ngunit inaasahang tatalbog din sapagkat ang bank account ay sarado na.
Dagdag dito, nadiskubre ng mag-asawang Smith na ang nakaprenda sa kanila na mga condominium units sa pamamagitan ng deed of assignment ay naka-assigned din pala sa isa o higit pang bilang ng mga numuhunan.
Tinatayang nasa dalawang daan katao ang nabiktima sa ‘scam’ na ito kung saan nakataya ang ayon sa mga nabiktima ay aabot sa kalahating bilyong piso puhunan na bagamat maliit kumpara sa halagang naraket ni Celso de los Angeles ng Legacy Group of Companies ay iniambag ng maraming bilang ng maliliit na negosyanteng nagbabakasakali ng magandang kita sa puhunan.
Isang bankero na hindi muna nagpakilala ang nag-invest ng umabot sa 23-M sa Graceland ngunit nabigo ring makolekta o mai-cash ang mga tsekeng bayad sa interest at principal sapagkat tumalbog din. Tila ‘secured’ aniya ang kaniyang investment at tiyak na malinaw ang pananagutan ni Soliman hanggang sa madiskubre niya na ang ilang sa mga condominium units na nakaprenda sa kaniya bilang collateral ay nakaprenda rin sa iba pang mga tao.
Batay sa impormasyon ng ‘investor source’ ilan sa mga napagprendahan dito ay nagngangalang Dr. Padre at isang Malabanan na konektado sa isang government hospital.
Ipinagtapat ni Smith na hindi umano makapagsalita at makapagpahayag ang marami sa kanila sapagkat nagbanta di umano ang Graceland na kapag ang mga namuhunan ay nagdemanda ay lalong walang makukuha at kahit ang kanilang principal na in-invest ay hindi na mababayaran.
Ngunit matapos niyang makumpirma na halos lahat silang mga naglagak ng puhunan sa Graceland ay nagputukan din ang tseke mula pa noong Disyembre 2008 nagpasiya na silang mag-asawa na magsalita.
Sa grupo pa lamang ni Villaseñor na limang katao ay umabot na sa halos P50 milyong halaga ang makuha sa kanila. Isang retiradong opisyal mula sa Candelaria ang nagsabing namimilegro ang 2 milyong piso na investment niya sa Graceland.
Ganito rin ang naging reklamo ng isang nagpakilalang Ka Totoy, kung saan ang tatlong condo unit na 201,202 at 203 second floor na sa kanya nakapangalan ay natuklasan niyang nakapangalan naman sa isang apelyidong Mayor na umano’y taga Tayabas,Tan at Padre kung saan mag due ito sa April 20/09.
Sinabi ni Villaseñor, na ang condo na para sa kaniya naman ay natuklasan niya na nakapangalan din ang 105 B kay Parina, 407 kay A Cardenas, 401 kay B Soriano, 111kay B Rivadenevo, 305 B kay Malabanan, 103 B kay Tan at 114 A kay Zaballero.
Bunga nito, inaasahan na marami pang maglalabasang biktima upang ireklamo ang kanilang mga perang nailagak sa Graceland.
Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Graceland kung saan ayon sa isang staff nito ay wala ang kanilang manager.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment