Saturday, February 21, 2009

news news news

Quezon Fitness Gym and Wellness Center sa QCC, bukas na
nina Babes Mancia at Edgar Borja
Isa pang sangay ng income generating facilities ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa ilalim ng pangangasiwa ng Economic Enterprise ang binuksan sa publiko. Ito ay ang Quezon Fitness Gym and Wellness Center na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Quezon Convention Center (QCC).
Sa pamamagitan ng pagputol ni Governor Raffy P. Nantes ng laso sa pintuan ng naturang airconditiones fitness gym ay hudyat na rin ito upang pasukin ng publiko at tangkilikin ang mga makabagong equipment katulad ng bench press machine, electronic bicycle, rubberized dumb bells at iba pang kagamitan na magiging katuwang sa paghubog ng magandang pangangatawan.
Sa kasalukuyan ay pawang kumikita at nakadaragdag na sa pinagkukunan ng pondo ang Quezon Convention Center, Bulwagang Kalilayan, PARUDEV-Catanauan, Alcala Sports Complex, Employees Multi-Purpose, Quezon Rural Development Academy, Perez Park at QMC Kiosk.
Bago isagawa ang pagbubukas ng fitness gym ay pinangasiwaan ng mga kawani ng Economic Enterprise Unit ang isang 2.5km Fun Run na nilahukan ng mahigit sa 40 professional joggers mula sa lalawigan ng Quezon at mismong ang gobernador ang nagkaloob ng mga regalo sa Top Ten finishers.
Habang isinasagawa ang flag raising ceremony sa loob ng QCC na nagsilbing host ang nasabing tanggapan ay tinagubilinan ng opisyal sina provincial Administrator Aris Flores at HRMO Dr. Henry Buzar na magpalabas ng isang memo para sa mga kawani.
Ang naturang memo umano ay nagsasaad na obligado ang lahat ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan na lumahok sa 5 km ALAY-LAKAD. Ang nasabing aktibidad umano ayon kay Gov. Nantes ay nilalayon na maging malakas at maganda ang pangangatawan ng lahat ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan. Tatawaging ALAY-LAKAD sa pag-unlad ng lalawigan ang programa at inimbitahan ng gobernador ang apat na Kongresista upang sumamang tumakbo at maglakad para sa higit na pag-unlad ng lalawigan.
Binanggit din nito na bagamat nakaranas ng Economic Melt down ang makakapangyarihang bansa sa daigdig katulad ng Estados Unidos at Gran Britanya ay hindi ito gaanong mararanasan sa lalawigan.
Ayon pa kay Nantes, nai-programa na niya ang mga alternatibong paraan upang harapin ang financial crisis. Isa dito ang P4.3B Jathropa Plantation project at sa proyektong ito ay tiyak na panalo ang mga magsasaka.
Samantala, sa kanyang pag-uulat bilang punong tagapangasiwa ng Economic Enterprise Unit ay tinukoy ni COS Sevilla na tumaas ang koleksyon ng mga income generating facilities ng probinsiya sa nakaraang taong 2007-2008.





FFS, Field Demo at Graduation Day, ginanap sa Pitogo
nina Babes Mancia at Edgar Borja
Ginanap kamakailana ang Farmers’ Field School on Palaycheck System sa Barangay Ibabang Burgos, Pitogo, Quezon. Ipinakita dito ang Field Demonstration at Graduation ceremony ng mga nagsilahok sa nasabing FFS.
Ang proyektong ito ay may kaugnayan din sa maigting na kampanya ni Governor Raffy P. Nantes na mapaunlad ang agrikultura ng lalawigan ng Quezon sapagkat dito itinuturo sa mga magsasaka ang mga makabagong teknolohiya upang mapalago ang ani ng palay at kung papaano kikita ng malaki.
Ayon kay Kgg. Dante U. Buñag, Sr., punong bayan dito, ang mga magsasaka ang nakikita niyang pag-asa ng bayan subalit sinabi niya na ang pag-unlad ng bawat isa ay nasa pag-uugali.
Bilang tanda ng pakikiisa sa programang ito ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Nantes at sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pangunguna ni G. Domingo J. Mamasig ay tutuparin niya ang kanyang pangako na isang kalabaw para sa mga magsasaka na nagsipagtapos sa nasabing FFS.
Kaugnay nito, dumalo sa nasabing pagtatapos ng mga magsasaka si Engr. Joselito Bunyi bilang kinatawan ni G. Domingo Mamasig, na sinabing malaking bagay sa Pitogo ang pagtugon ng bawat magsasaka sa proyektong ito ng pamahalaan sapagkat ito ang pamamaraan upang mapadali ang pagtatanim ng palay para sa mga magsasaka at higit sa lahat ay matuto ang lahat ng magsasaka kung paano palalakihin ang kita sa maliit na gastos sa pagtatanim.
Dumalo din si G. Apolonio Bobadilla, Gng. Estrella Mendoza at Gng. Aurora Odejar na kapwa kawani ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at siyang nagsilbing facilitator ng nasabing pagsasanay.
Naging bahagi din ng pagtatapos ng mga magsasaka ang ikalawang punong bayan ng nasabing bayan na si Kgg. Rodante V. Cortez, Kgg. Fe Laceda, G. Felipe Livado na siyang Pangulo ng Farmers’ Federation Association at si G. Noel Capisonda ang farmer cooperator ng nasabing FFS.


Please read....

No comments: