Saturday, May 30, 2009

quezon news

Please read....CSWDO, tuloy sa pagkalinga sa kabataan
nina Celine M. Tutor at King Formaran
Patuloy na ginagabayan ng City Social Welfare & Development Office (CSWDO) ang mga kabataan na nasa Reception and Action Center (RAC) sa Zaballero Subd. Lucena,City .
Ito’y bilang pagtugon sa kanilang responsibilidad sa komunidad lalo’t higit sa mga musmos at kabataang inabandona ng kanilang mga magulang.
Tiniyak ni Mrs. Lulu Ruanto, CSWD Officer na iminumulat nila ang mga kabataan sa magandang asal. Itinuturo sa mga ito ang mga wasto at dapat nilang maging kilos at lumaking may takot sa Diyos, paggalang sa kapwa at sa mga nakatatanda.
Bagama’t aminado si Ruanto na mahirap ang papel na nakaatang sa kanila, ginagampanan nila ang lahat ng ito dahil sila mismo ay naniniwalang may pag-asa ang mga kabataan na maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay , kailangan lamang umano ay maituwid ang mga ito .
Ang RAC, ay isang tahanan para sa mga batang walang magulang, sa mga batang kalye ang naging lansangan at sa mga batang napariwara ang buhay dahil sa masamang bisyo at bunga ng pagkakaroon ng masamang barkada.
Sa RAC aniya, binibihisan ang mga ito, nakakapag-aral at kumakain ng maayos sa tulong na rin ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Ramon Y. Talaga, Jr., ilang personalidad at mga may mabubuting loob na tumutulong sa araw-araw na pangangailangan ng nasabing tahanan.

Turismo sa Mauban, umaangat
nina Celine M. Tutor at King Formaran
Malaki ang paniniwala ni Mayor Rex P. Bantayan na higit na tumanyag ang kanilang bayan dahilan sa pagpapakilala sa publiko ng mga produktong kanilang ipinagmamalaki tulad ng Nipanog. Ang Nipanog ay alak na mula sa sasa o nipa na siyang pangunahing pinagkakakitaan ng mga naninirahan dito.
Sinabi ng alkalde na buo ang suporta ng pamahalaang bayan sa mga gumagawa ng Nipanog. Sa katunayan aniya, ang nakalipas na pagdiriwang ng Maubanog Festival na pinuri ni Governor Raffy P. Nantes ay malaki ang naitutulong upang hanapin ng karamihan at maging interesado sa produkto nilang Nipanog.


Quezon Harvest Festival, matagumpay
nina Babes Mancia at Edgar Borja
Matagumpay na ipinagdiwang ang Quezon Harvest Festival kamakailan sa lalawigan ng Quezon na dinaluhan ng mga magsasaka mula sa iba’t-ibang bayan gayundin ng mga Local Government Units (LGUs) at mga namumuno dito.
Malaki ang paniniwala ni Governor Raffy P. Nantes na isang sukatan din ito upang matiyak kung ang mga magsasaka ay natutulungan ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang ikinabubuhay laluna sa paglago nito.
Binigyang-diin ng gobernador na kayang-kaya ng mga taga-Quezon na manguna sa mga lalawigang sakop ng CALABARZON sa aspeto ng pagsasaka. Kailangan lamang aniya ay sipag, tiyaga at pagtutulungan ng bawat isa.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng kahandaan si Mr. Domingo J. Mamasig, Provincial Agriculturist na tutulungan ng kanilang tanggapan ang mga magsasaka upang mas mapaunlad pa ng mga ito ang kanilang sinasaka gayundin sa pangisdaan upang matugunan ng mga ito ang kani-kanilang pangangailangan.
Kasabay ng Quezon Harvest Festival, ipinagkaloob ni Nantes ang ilang farm equipment sa bawat bayan sa Quezon na magagamit ng mga magsasaka sa pagpapayabong ng kanilang sakahan.

No comments: