Cong. Alcala, namahagi ng truck
nina Celine M. Tutor at King Formaran
Ikinasiya ng mga mamamayan ng may tatlong (3) barangay sa Tiaong, Quezon ang ginawang pagkakaloob kamakailan ng Kongresista ng Ikalawang Distrito ng lalawigan ng may tatlong (3) mini-truck.
Malugod na tinanggap nina Kapitan Cesar A. Pesigan ng Bulihan, Kapitan Santo G. Roales ng Del Valle at Kapitan Gerardo M. Quita ng Sampaga ang tig-iisang truck para sa kani-kanilang barangay mula kay Cong. Procy Alcala.
Ayon sa nasabing mga opisyal, patuloy silang nakakatanggap ng mga proyekto sa Kongresista kung saan pinakikinabangan naman ito ng lubos ng kanilang mga kabarangay.
Pinatunayan din ng mga ito na si Alcala ay madalas na nagtutungo sa kanilang lugar at patuloy na nagdadala ng iba’t-ibang programa at proyekto.
Ang nasabing mga truck ay ipinagkaloob ni Cong. Alcala kasabay ng isinagawang Medical & Dental Mission sa covered court ng nasabing bayan gayundin ng kaarawan mismo ni Mayor Aniano Wagan, Jr.
Paliwanag nito sa isang panayam, sa halip na ang alkalde ang kanyang regaluhan, mas mainam aniyang sa mga mamamayan upang mapakinabangan ng mga ito ng direkta ang tulong ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Mayor Wagan na madalas silang bigyan ng proyekto ng kanilang Kongresista.
Mismong ang pamahalaang lokal ng San Antonio ang bumili ng nasabing mga truck na ang pondo ay mula naman sa ipinagkaloob ng Kongresista na budget galing sa kanyang PDAF o Public Development Assistance Fund.
Tiniyak naman ni Cong. Alcala na marami pa siyang ipagkakaloob na proyekto sa bayang ito bilang bahagi ng kanyang maayos na pagseserbisyo sa mga mamamayan na patuloy na nagtitiwala sa kanyang kakayahan bilang Kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Reaksyon sa mga batikos na pangako lamang ang ginagawa
Tinutupad ko anumang ipinangako ko - Kon. Brizuela
Mga proyektong pinakikinabangan na ngayon ng mga mamamayang Lucenahin ang makakapagpatunay na may mga naipagkaloob na at naipatupad ang isa sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod mula pa noong siya ay naghangad na mamuno dito.
Binigyang-diin ni Konsehal Benny Brizuela na bukod tanging siya lamang ang konsehal na hindi kumukuha ng buwanang suweldo bilang opisyal ng pamahalaan bagkus tinutumbasan pa niya ito at ipinagkakaloob sa BENITO J. BRIZUELA Foundation, Inc. upang magamit namang pondo para sa iba’t-ibang proyekto at sa katuparan na rin ng kanyang mga ipinangako noong siya ay kumakandidato pa lamang.
Isang halimbawa na dito ay ang ginawang pagkakaloob ng ilang gamit sa Barber Shop sa ilang barangay sa lungsod bilang kanyang tulong sa pangkabuhayan sa mga tao gayundin ang Scholarship Program para sa ilang kabataan na matatalino ngunit walang kakayahan ang mga magulang na makapagpaaral ng kanilang mga anak dahil sa kawalan ng sapat na salapi.
Sa pamamagitan din ni Brizuela, isinusulong ngayon ng BJB Foundation, Inc. ang pagkakaroon ng Botika sa Barangay para sa murang gamot na mabibili ng mga tao. Naniniwala ang opisyal na makakatulong ito ng malaki lalo na sa mga mahihirap na pamilyang walang kakayanang bumili ng gamot sa mga kilalang botika.
Ayon sa nakararami, ang nasabing opisyal ay marami ng naitulong sa mga Lucenahin simula noong mag-umpisa itong manungkulan.
“Tinutupad ko lamang sa taumbayan anumang ipinangako ko noong eleksyon”, paliwanag naman ni Brizuela.
Sa kabila ng mga serbisyong naipagkakaloob ng opisyal, may mga kumakalat pa ring pagpuna dito tulad ng reklamo umano ng ilang taga-Barangay Gulang-Gulang na hindi tinupad ang pagkakaloob ng school classrooms sa isang paaralan dito.
Paliwanag naman ni Brizuela, wala siyang natatandaan na anumang ipinangako na magkakaloob siya ng classrooms o building sa alinmang eskuwelahan sa lungsod sapagkat ito aniya ay proyekto na ng isang alkalde.
Wala rin umano siyang natatandaan na humiling sa kanya ng tulad ng nabanggit kung kaya naniniwala itong ito’y pawang paninira lamang sa kanya.
Please read....
Saturday, February 21, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment