Saturday, October 11, 2008

NEWS NEWS NEWS

Para sa Bayan
ni Celine M. Tutor

SM Lucena, a Kid’S Mall



Maraming beses ng pinatunayan ng SM City Lucena na malaki ang kanilang puso sa lahat ng mall shoppers lalo’t higit sa mga anghel ng bawat pamilya, ang mga BATA.
Opo, ang mga bata ay tila anghel kung ituring ng kanilang mga mahal sa buhay kung kaya naman maging ang mga ito ay pinahahalagahan ng SM na itinuturing na higanteng business establishment sa ating bansa.
Tulad ng paniniwala ng Para sa Bayan, ang mga bata ay dapat kalingain at turuan ng magandang asal. ‘Di ko nakakalimutan ang madalas banggitin sa akin ng nanay ko noon na ang bata ay lumalaki na ang ugali ay nagbabase depende sa kung ano ang nakikita sa kasama sa bahay o itinuturo ng kanilang mga magulang.
Sabi nga’y “Kung ano ang puno ay siya ang bunga”.
Pero hindi ‘lang naman sa loob ng tahanan natututunan ang magandang ugali. Maging ang mga kaibigan o barkada ay nakakaimpluwensiya din at maging ang komunidad kung saan nakatira ang isang tao. Maliban dito, hindi nauubos ang dahilan kung pa’no nabubulid sa kasamaan ang isang tao ngunit hindi rin naman nauubos ang dahilan kung paano umiwas sa hindi maganda nang sa gayon ay mamuhay bilang mabuting mamamayan.
Taas-noo ang Para sa Bayan sa SM City Lucena dahil talagang ginagampanan nila ang kanilang role sa komunidad. Hindi ‘lang puro negosyo ang SM kundi ibinabalik nila ang pasasalamat sa mga tumatangkilik sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga programa at bilang isa sa kanilang social responsibility, ang mga bata habang nasa loob ng mall ay binibigyan nila ng espesyal na pagtrato.
Upang higit na mabigyan ng kasiyahan ang mga bata, ang SM City Lucena ay nagsagawa ng isang tila seminar sa lahat ng mall tenants, maging mga security guards at iba pang nagtatrabaho dito nang sa gayon ay madagdagan ang kanilang kaalaman sa tamang mga dapat gawin kung paano mabibigyan ng espesyal na pagkalinga ang mga bata lalo’t higit ang mga batang tinatawag na Children in Conflict with the Law o yaong mga kabilang sa menor-de-edad na nakakagawa ng paglabag sa umiiral na batas.
Tama si Atty. Sunshine Abcede na dahil sa malaking bahagi ng kostumer ng SM ang mga kabataan kaya naman makatwiran ang ginawa ng pamunuan nito na mabatid ng mga security guards, tenants at iba pa ang karapatan ng mga bata habang nasa loob ng mall.
Maliwanag ang ginawang pagtalakay ni Atty. Abcede hinggil sa Crime Prevention & Proper Handling of Apprehending Children. Naging interesado ito para sa mga security guards dahil sila ang nanghuhuli sa mga shoplifters o nag-uumit ng mga paninda sa loob ng mall.
Paliwanag pa niya, ang bata na nahuli sa akto o napatunayan na nag-shoplift ay hindi dapat ipahiya sa karamihan ng tao. Ilan sa mga uri ng tinatawag na Child Abuse ay ang psychological abuse, cruelty, sexual abuse, physical abuse, at emotional maltreatment.
Dalawang klase ng batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga bata. Ito ay ang RA 7610 o Child Abuse Law at ang RA 9344 o Juvenile and Justice Act na inakda ni Sen. Mar Roxas.
Hinimay-himay ni Atty. Abcede kung ano ang mga procedures ng pagdala ng mga batang gumawa ng pagkakamali sa kostudiya ng mga pulis.
Minsan kasi ang mga bata ay takot sa mga baril at mayroon naman talagang security guard na kapag may nakitang pagkakamali ang bata ay inilalabas pa ang baril o kaya naman ay minumura o tinatakot ang bata. Ang lahat po ng ito ay pawang mali at hindi dapat gawin.
Sayang nga lamang at limitado ang oras ngunit tiniyak ni Atty. Abcede na magbibigay siya ng mga leaflets o anumang babasahin na magbibigay ng dagdag-kaalaman sa mga security guards, mall tenants at iba pang nagtatrabaho sa mall hinggil tamang pakikitungo sa mga bata habang ang mga ito ay nasa loob ng mall.
Isa din sa mahusay na nagbahagi ng kanyang kaalaman sa kahalagahan ng breastfeeding sa mga bata ay si Ms. Azenith Alegre ng City Health Office. Siya ay Nutrition Officer at ipinaliwanag na malaki ang naitulong ng Breastfeeding Station na nasa 2nd Floor ng SM City Lucena sa bawat nanay na nais magpa-breastfeed ng kanilang mga anak habang nasa loob ng mall.
Tunay aniyang masustansiya ang gatas ng ina kaya ang Breastfeeding Station ay akma na dapat magkaroon ang SM.
Gayundin, si Ms. Lulu Ruanto, City Social Welfare and Development Office, tinaguriang nanay ng mga batang kinakalinga ng Reception & Action Center sa Zaballero Subd. ay nagpahayag ng pamamaraan kung paano maipapakita at maipapadama sa mga bata ang pagkalinga sa mga ito.
‘Di matatawaran ang mga nagawa ni Ms. Ruanto sa mga kabataang Lucenahin at kanyang pinahahalagahan ang ginagawa at naitutulong ng SMLC sa sektor ng mga kabataan sa lungsod..
Saludo ako sa SMLC sa pilit na pag-abot sa kamay ng mga kabataan!



My Article
Lito M. Giron




Programa para sa mga drivers at conductors
Pumirma sa isang kasunduan ang Department of Transportation and Comminications (DOTC), ang Philippine Postal Savings Bank at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa programang "Self-Employment Assistance-Kaunlaran (SEAK) o ang VAT Pangkabuhayan. Ito ay isang programa sa pagpapautang ng puhunan para sa maliit na negosyo na walang interest at kolateral sa mga miyembro ng pamilya at kaanak ng mga tsuper at konduktor ng mga pampasaherong sasakyan upang maging dagdag kita ng kanilang pamilya. Sinabi ni DOTC Secretary Laendro Mendoza na ang programa ay patunay ng kagustuhan at determinasyon ng pamahalaan na paunlarin ang buhay ng mamamayan lalung-lalo na ang nasa sektor ng transportasyon na mas apektado ng mataas na presyo ng langis.
00000
Kasama ang iba pang ahensya, lumagda ang Kawanihan ng Imigrasyon sa isang kasunduan sa pagpapalitan at pagbibigayan ng datos at impormasyon sa layuning mahadlangan ang terorismo at mapalakas ang sistema ng pagmamatyag sa mga hangganan ng bansa. Ang pagpapatupad ng mahigpit na pagmamatyag sa mga hangganan ay mahalaga upang mapanatili ng bansa ang pagpasok ng lehitimong terorista at mga iligal na negosyante galing sa ibang bansa at maalis ang mga hindi kanais-nais na mga daungan.
00000
May nakahanda nang plano si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang economic team upang malampasan ng bansa ang epekto ng pandaigdigang krisis na pang-ekonomiya na pinalala pa ng krisis sa Amerika. Sinabi ni Finance Secretary Margarito Teves na maganda ang magiging resulta sa $700 billion bail out deal sa US senate at kung ito ay magpapatuloy malamang na gaganda muli ang takbo ng pandaigdigang ekonomiya.Upang malunasan ang epekto ng krisis, pinupursige ni Sec. Teves ang kongreso na ipasa na ang mga naantalang batas tulad ng 2009 General Approriation Bill, ang Rationalization Fiscal Incentives Bills, at ang Rationalization of Sin Taxes Bill
00000
Nangako ang Armed Forces of the Philippines na gagawin nila ang lahat upang mahadlangan ang lahat ng banta ng rebeldeng MILF. Ang katiyakan ay mula kay Col. Nicolas Dolojan, commander ng 3rd Infantry Battalion, 4th Infantry Division ng Philippine Army. Ito ay kaugnay ng mga text messages na ipinakakalat ng rebeldeng MILF na ang mga ito ay nasa kalunsuran na. Sinabi ni Col. Dolojan, na ang mga text messages ay walang katotohanan at ito ay upang maghasik lamang ng takot sa mga sibilyan. Sa kabila nito, idinagdag pa ni Dolojan na hindi sila nagpapabaya at sinisikap ng kanilang grupo na ma-verify ang mga impormasyon.
00000
Magbibigay ng scholarship training ang pamahalaan sa direktang kaanak ng mga beterano at retirado ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ang scholarship program ay bahagi ng pinirmahang kasunduan sa pagitan ng TESDA at ng World War II Heritage Organization, Inc. Ang naturang programa ay pinaglaanan ng mahigit na P1 milyon.















Plebesito sa hati- Quezon, wala pa, COMELEC

Ni Jet Claveria

Wala pang petsa ang sinasabing gaganaping plebisito sa lalawigan ng Quezon .Ito ang kinumpirma ng COMELEC sa lalawigang ito sa pamamagitan ng isang sertipikasyon na may petsang Oktobre 3, 2008 na wala pang opisyal na Resolusyon o Memorandum na ibinababa ang COMELEC Manila hinggil sa sinasabing plebesito ukol sa paghahati ng lalawigan.


Ito’y taliwas sa mga lumabas na ulat, particular sa nasyunal na pahayagang Philippine Daily Inquirer na sa darating na Nobyembre 29, 2008 ilulunsad ang plebesito .


Pinabulaanan ng Comelec na mayroon ng petsang itinakda para sa pagsasagawa ng plebesito. Ayon kay Mr. Erwin Mantes, ng Commission on Election , marami na ang nagtutungo at nagtanong sa kanilang tanggapan hinggil sa isyu ng gaganaping petsa ng plebesito.
Ngunit aniya , hindi sila makapagsabi ng anumang takdang petsa dahil sa kawalan ng Memorandum o Resolusyon mula sa kanilang head Office. Naghihintay din lang umano sila ng abiso ukol dito.


Ang nasabing sertipikasyon na nagmula sa COMELEC ay inilabas matapos na personal na hilingin ni Mr. Hobart Dator, presidente ng Save Quezon Province ang isang kasulatan mula sa nabanggit na tanggapan para sa ikalilinaw ng usapin.


Ayon kay Dator, ang hakbang na ito ay bahagi pa rin ng serbisyo publiko ng SQPM at ayaw nilang maligaw ang Quezonian sa mga maling impormasyon na ipinalalabas ng mga taong ang hangarin ay mahati ang Quezon para sa mga pansariling kapakanan.


Maging si Atty. Sonny Pulgar, chairman ng SQPM ay nagtungo na sa Comelec Manila upang alamin ang katotohanan sa nasabing petsa ng plebisito .Ito naman ay matapos lumabas sa pahayagang PDI,.



San Francisco Mayor Ernani Tan at iba pa, isinalang na sa DOJ
The Reportorial Team


Isinalang na sina Quezon Mayor’s League President Mayor Ernani Tan , Municipal Treasurer Floro Flores at iba pang sangkot sa kasong kidnapping at panggagahasa sa labindalawang taong gulang na dalagita.Ito’y matapos nilang isumite ang kanilang mga ibedensya at mga affidavit na nagpapatunay na inosente sa inaakusa sa kanila.Ito’y sa sala ni State Prosecutor Judge Clarissa Kuong ng Department of Justice.

Si Atty. Siegfred Fortun at Atty Jose Flores Jr. ang tumatayong abogado nina Mayor Tan at Municipal treasurer Flores.Si Atty. Vitaliano Aguirre 11 ang counsel ng complainant.

Nauna rito,Ito’y nag-ugat ng ireklamo si Municipal Treasurer Floro Flores ng kanyang kasambahay na 12 anyos na dalagita na umano’y dalawang beses nitong ginahasa.

Nagtungo umano ang biktima kasama ang nanay nito sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon Province matapos na hindi pakinggan ang kanilang reklamo sa PNP station sa San Francisco Quezon.

Ayon sa report, habang ang biktimang si Sarah (hindi tunay na pangalan) ay nasa kustudiya ng CIDG ay mayroong isang pulis na nagsabi sa kanya na mayroong nais na makipag-usap.

Nang lumapit ang bata sa gate ay nagulat siya ng makita ang asawa ng akusado kung saan isinama diumano siya sa isang van na naroon naman ang asawa ni Mayor Ernani Tan.

Napaulat din na kung saan-saang lugar dinala si Sarah at pinangakuan ng kung ano-ano iurong lamang ang kaso laban kay Ginoong Floro Flores.


Sa naging pahayag ni Atty. Vitaliano Aguirre 11, sinabi nitong kahit pa sampung Bus ang dumating sa DOJ na tetestigo laban sa mga abogado ay balewala rin kung panay kasinungalingan naman ang sasabihin.

Ayon naman kay Atty. Jose Flores Jr, ang paghaharap na iyon sa sala ng state prosecutor ay pagpiprisinta lamang ng mga nakuhang ibedensya at malaki ang paniniwala ng kanyang kliyente na lalabas din ang katotohanan.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ang isang Dra. Dela Pena na siyang nagbigay ng sertipikasyon sa dalagita na ito’y virgin pa at hindi nagagalaw na ang lahat ay dahilan lamang sa pulitika.Ito’y dahilan na rin sa kanyang pagkagulat na hindi niya alam na hahantong sa ganitong kaso ang lahat na umano’y kagagawan lamang ng kalaban ni Mayor Tan sa pulitika.Marami umano ang idinamay na mga inosente naman sa nasabing kaso.


Ayon kay dela Pena maging siya man ay nagulat dahil siya’y naipatawag sa DOJ gayong nagbigay lamang naman siya ng sertipiko na nagpapatunay na ang bata ay virgin pa.Hindi daw umano niya kilala ang mga taong nasa sala ni Judge Kuong at maging ang dalagita ay limot na niya ang mukha.

Gayunman, sa nasabing preliminary hearing ay nagkaroon din ng tension ng bastusin ng alalay na pulis ni Mayor Tan ang media na kumukuha ng balita ng sandaling iyon ,gayundin ng tabigin ng alkalde ang camera ng isang media .

Hindi naman nakunan ng pahayag ang mga akusado sa pagsasabing bahala na ang kanilang mga abogado sa kanilang kinasangkutang kaso at umaasa silang magkakaroon ng linaw ang lahat.

Katarungan naman ang sinasabi ng kampo ng biktima na maibigay para sa kanilang menor de edad na anak.





Barangay Road tinirikan ng mga bahay,ilog ginawang daanan
Mga opisyal walang aksyon
Ni Jet Claveria


Tinatawagan ng pansin at humihiling ang mga apektadong may-ari ng lupain ang mga kinauukulan na bigyan ng aksyon ang kanilang kahilingan na madaanan ang barangay road na tinayuan ng mga bahay sa Barangay Palagaran Tiaong Quezon.

Sa sinumpaang salaysay ni Ginoong Dionisio Garcia, isa sa mga nangangasiwa ng isang parsela sa nasabing barangay,malaking perwisyo sa katulad nilang mayroong sinasakang niyog ang pagkakaroon ng bahayan sa kalsada.
Hindi nailabas sa kanilang lupain ang mga kopras dahilan sa hindi madaanan ang nasabing barangay road at hindi na rin pinadadaanan ni Brgy. Captain Thelmo Atienzo na siyang barangay kapitan pa noon na nag-ugat ng isang kaso na Grave Coercion docketed as Case no. 6848 na nakapending pa hanggang ngayon sa Korte.

Nauna rito, taong 2004 pa nag-ugat ang reklamong ito na nagresulta na ng pagsasampa ng kaso subalit sanhi ng pagkaka stroke ni Garcia ay hindi nakaka-attend sa mga hearing na isinasagawa kung kaya’t ang kaso ay napatigil.


Ayon kay Ginoong Garcia,muli niyang inilapit ang nasabing reklamo kina barangay Captain Clemente Umali at Tiaong Mayor Leleng Umali ang nasabing reklamo subalit hindi rin magawan ng aksyon hanggang sa dumami na ang bahay sa kalsada.

Nagpadala na rin umano siya ng liham sa tanggapan ni Gov. Raffy Nantes na humihiling na mailipat ang mga bahay na nakatayo sa kalsada upang madaanan ito at magamit sa kalakalan,subalit wala pang sagot ang gobernador para dito.

Malaki na umano ang nagawang pinsala para sa kanila ng hindi madaanan ang barangay road dahil ang mga nagtatrabaho sa kanilang lupain ay sa malalim na ilog ng Lagnas river pa dumaraan, gayong mayroon namang tamang daan subalit dahil sa pagpayag ng isang Engr. Ernesto Castillo na patirikan ng mga bahay ang nasabing kalsada kung kayat nawalan ng tamang daanan.

Napag-alaman rin na mula sa isang vicinity map na ang nasabing lugar ay talagang kalsada base na rin sa tax mapping ni Alexander Quejano na isinagawa naman noong Nov.22,2000.

Ayon kay Garcia, marami rin siyang nakuhang mga dokumento na nagpapatunay na ang nasabing lugar na kinatitirikan ng mga bahay ay kalsada kung kaya’t dapat na ito’y imbestigahan at mapalipat sa ibang lugar ang mga bahay na nakatayo dito.

Kaugnay nito, habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakukunan ng pahayag ang barangay captain Clemente Umali ,Mayor Leleng Umali at tanggapan ng punong lalawigan kung anong aksyon sa reklamong ito sa barangay Palagaran Tiaong Quezon.

No comments: