Saturday, October 11, 2008

NEWS SM CITY LUCENA

Bilang pagpapahalaga sa mga bata
Caring for Children Seminar, isinagawa ng SM Lucena

nina Lyn Catilo at King Formaran


Bilang bahagi ng social responsibility ng SM sa mga batang madalas na nagtutungo at tumatangkilik sa kanila, higit pang binigyan ng sapat na kaalaman ang mga mall tenants, security guards at ilang personell ng SM Lucena sa isang seminar na isinagawa noong Miyerkules sa Event Center hinggil sa mga programang itinataguyod para sa kasiyahan at kapakanan ng mga bata at kung anu-ano ang mga dapat gawin sakaling may mga batang gumawa ng hindi mabuti habang nasa loob ng mall.
Ang seminar ay bunga ng paghahangad ng SM Supermalls Children’s Council and Committee for Breastfeeding na mabigyan ng mga magaganda at kapaki-pakinabang na programa ang mga bata.
Ngayong buwan ng Oktubre bilang tinaguriang Children’s Month, ang seminar ay bahagi ng “A Kid’S Mall Caring for Children” na naglalayong mabigyan ng kaalaman ang mga mall tenants, security guards at maging ilang personnel ng mga dapat gawing hakbang sakaling may mga batang makita na kumuha ng ilang bagay na hindi nagbayad o kaya naman ay gumawa ng ilang kaguluhan.
Ipinaliwanag ni Mrs. Lourdes Ruanto, City Social Welfare and Development Officer ang tungkol sa tamang pangangalaga sa mga batang may kapansanan.
Ang SM na pag-aari ng higanteng negosyante na si Mr. Henry Sy, Sr. ay kinilala na ng maraming beses at maging ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang A Child Friendly Mall.
Magugunitang kamakailan lamang bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disability Week, nagtungo sa SM Lucena ang mga batang may kapansanan mula sa iba’t-ibang eskuwelahan sa lungsod. Pinatunayan ng pamunuan ng mall na ang SM ay para sa lahat at may mga pasilidad din para sa kanila tulad ng parking area, comfort rooms at marami pang iba.
Ilang beses ding ipinaliwanag ni Ruanto at ni Ms. Angie Quesea, Pangulo ng Natatanging Sektor sa Lucena na kailangan nila ng espesyal na pagkalinga. Habang nasa loob ng mall, pinaalalahanan ang lahat ng nagtatrabaho dito at maging ang mga security guards na i-trato tulad ng normal ang mga may kapansanan lalo’t higit ang mga bata.
Tinuran ni Ruanto na ang Region IV-A kung saan kabilang sa mga lalawigang sakop nito ay ang Quezon na kung saan aniya ay may pinakamaraming bilang ng may kapansanan.
Dahil ditto, ipinaliwanag niya ang mga karapatan ng mga bata tulad ng karapatang isilang at mabuhay, lumaking malusog at may pagkaing sapat, wasto at ligtas, may tirahang maayos, may pamilyang nagmamahal, mga gamut na kailangan sa panahon ng pagkakasakit. Gayundin, karapatan din aniya ng bata na umunlad, makapag-aral, makapaglaro, makapaglibang at magkaroon ng sapat na pahinga ng katawan.
Karapatan din aniya ng bawat bata na malinang at mahasa ang talino’t kakayahan, magabayan.ng magulang sa angkop na paniniwala at pananampalataya.
Kabilang naman sa Right to Protection ng isang bata ay ang maprotektahan sa parusang hindi makatarungan, pang-aabusong pisikal, pagsasamantala, panggagahasa, pagmumura at pag-iinsulto ng pagkatao, sapilitang pagtatrabaho at pang-aalipin at mga gawaing sagabal sa kanyang paglaki, pagkabilanggo, pagkaipit sa gitna ng digmaan, diskriminasyon dahil sa kasarian, uri, lahi, kapansanan, kultura at pinanggalingan.
Inisa-isa din ng CSWD Officer sa mga dumalo sa nasabing seminar ang tungkol sa Right to Participate o Karapatang Makilahok ng isang bata tulad ng malayang makapagpahayag ng kanyang opinion o kuru-kuro, malayang sumampalataya, may kalayaang kumilos at gumawa para sa ikabubuti ng kanyang buong pagkatao.
Upang mapamahalaang maayos ang isang bata, makatutulong ng malaki, pahayag pa ni Ruanto na sumailalim ito sa Newborn Screening o pagsusuri na ginagawa ngayon sa mga sanggol matapos na maipanganak, gayundin ang kaagad itong maipagamot at mabigyan ng pagkakataong makagalaw ng normal, maipasok sa paaralang may Special Education Class, tratuhin siyang normal o walang kapansanan at tulungang siyang mailabas ang mga natatagong kakayahan.
Karapatan din ng mga bata, dagdag pa ni Ruanto na ang mga batang may kapansanan ay mabigyan ng mga gusali na may pasilidad na para sa kanila at mabigyan ng pagkakataon na makapaghanapbuhay tulad ng normal na tao.
Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Atty. Sunshine Abcede ang tungkol sa tamang pangagasiwa ng mga security personnel ng mall sa mga batang menor-de-edad na nakagawa ng pagkakamali o mga tinatawag na Children in Conflict with the Law.
Dalawang klase aniya ng batas sa bansa ang umiiral hinggil dito, ang RA 7610 o Child Abuse Law at and RA 9344 na inakda ni Senador Kiko Pangilinan na Juvenile and Justices Act.
Ang sinumang mababa sa 18-anyos ang edad ay itinuturing na menor-de-edad, ayon kay Abcede.
Iba’t-ibang klase ng pag-abuso sa mga bata. Kabilang ditto ang maltreatment, psychological abuse, cruelty, sexual abuse, emotional maltreatment, physical abuse at neglect.
Ipinaliwanag na mabuti ni Atty. Abcede lalo’t higit sa mga security guards na dumalo sa nasabing seminar ang tamang pamamaraan ng paghuli o pagpapabatid ng pagkakamali sa sinumang nakagawa ng hindi mabuti habang nasa loob ng mall.
Kailangan aniya na hindi mapapahiya ang bata sa lahat ng nakakakita sa kanya at kailangan itong dalhin sa loob ng isang room na hindi makakaagaw ng pansin.
Hiniling din nito na alisin ang anumang weapon, o anumang makapagbibigay ng takot sa mga bata ngunit marapat na magpakilala.
Tiniyak naman nito na patuloy siyang magbibigay ng dagdag kaalaman sa mga security guards upang umayon sa batas na umiiral ang ginagawa ng mga ito na pamamahala sa loob ng kaayusan ng mall.
Samantala, bilang bahagi ng pangangalaga ng SM Lucena sa bawat bata, ipinaliwanag naman ni Ms. Azineth Alegre, Nutrition Officer ng City Health Office na karapatan ng isang bata na mamuhay ng maayos at bahagi nito ang mabigyan siya ng pagkain o gatas ng isang ina.
Ang SM City Lucena ay mayroong Breastfeeding Station na nauna ng ipinahayag ni Ms. Cristy Angeles na itinayo para sa bawat ina na nagpapadede ng kanilang anak. Isang lugar para sa lahat ng ina nang sa gayon ay maibibigay pa rin sa kanilang anak ang masustansiyang gatas habang namamasyal sa mall.
Inisa-isa ni Alegre ang kabutihang dulot ng gatas ng isang ina sa kanyang anak kaya malaking bagay aniya na ang SM Lucena ay may pasilidad na tulad ng Breastfeeding Station.
Kaugnay nito, ang Caring for Children Seminar ay bunga ng hangarin ng SM Lucena na mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga kabataan. Isang pagpapatunay din ito na sila ay Child Friendly Mall, ayon naman kina Engr. Jason Terrenal, Mall Manager at Ms. Maricel Alquiroz, Asst. Mall Manager.





VM Castillo, tutol sa hati-Quezon
ni King Formaran




Malaki ang paniniwala ng bise-alkalde ng lungsod ng Lucena na hindi dapat mahati ang lalawigan ng Quezon Province dahil asset aniya ang mga sakop nitong lugar at makakatulong ng malaki upang higit pa itong umunlad.
Ganito ang naging pahayag ni Vice-Mayor Philip Castillo hinggil sa patuloy na pinag-uusapan na paghahati ng lalawigan.
Ipinaliwanag nitong bagama’t maunlad ang lungsod ng Lucena kumpara sa mga bayan na sakop ng Ikatlo at Ikaapat na Distrito, nananatili siyang hindi pabor na mahiwalay ang mga nasabing lugar sa dahilang mas kailangang tulungan ang mga ito at bigyan ng pagkakataon ang mga lokal na negosyante sa lugar nang sa gayon ay umunlad din ang pamumuhay ng mga residente.
Kaugnay nito, patuloy na aktibo sa pagsasagawa ng open forum ang bumubuo ng Save Quezon Province Movement o SQPM sa pangunguna ni Atty. Sonny Pulgar upang bigyan ng tamang impormasyon ang mga mamamayan sa kahihitnan ng Quezon sakaling tuluyan itong mahati at upang igiya ang tao sa tamang pagdedesisyon.
Si Quezon Gov. Raffy P. Nantes na dati’y Kinatawan ng 1st District, kasama sina Cong. Alcala ng 2nd district, Danny Suarez ng 3rd District at Lorenzo Tañada III ng 4th District ang siyang umakda ng batas na naipasa sa mababa at mataas na Kapulungan ng Kongreso ng nakaraang taon.
Ang batang Tañada at lalo na si Suarez ang masidhing nagsusulong sa pagsasagawa ng plebisito ng Comelec samantalang sina Nantes at Alcala ay nananatiling tikom ang bibig at nagpapahayag lamang sa local media na “bahala na ang taumbayan na magpasiya sa usapin ng hati-Quezon.”
Si Suarez at Quezon Bishop Emilio Marquez umano ang nagla-lobby kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo upang magsagawa na ng plebisito lalo pa’t tapos na ang halalan sa Autonomous Region for Muslim Mindanao.
Base naman sa pahayag ni Suarez sa ilang local media, umano’y may pondo nang P38 million ang plebisito na posibleng isagawa ngayong Oktubre o kaya ay Nobyembre.
Tulad ni Vice-Mayor Castillo, lantaran ding nagpahayag ng pagtutol na mahati ang Quezon ay ang mga empleyado ng kapitolyo kung sila’y payag na mahati ang lalawigan. Matunog na “Hindi” ang sagot ng mga kawani kaya’t sinabi ng punonglalawigan na “Hindi dahil malaki ang ating lalawigan na ito’y di uunlad.”
Dagdag pang tinuran ni Vice-Mayor Castillo na trabaho ang dapat na maibigay sa mga Quezonians upang matulungan ang mga mamamayan dito sa kanilang pamumuhay at hindi solusyon ang paghahati ng lalawigan.

Pagkuha ng passport sa DFA-Lucena, mabilis na
nina Lyn Catilo at King Formaran



Bunga ng maayos na pamamahala ng kasalukuyang Regional Director ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Region IV-A at B, nasisiyahan na ngayon ang bawat kumukuha ng kanilang pasaporte dahil sa mabilis at pagbabago dito ng mga regulasyon na ipinatutupad.
Ipinaliwanag sa programang Punto por Punto ni Mr. Edmundo Mangubat na mula Lunes hanggang Biyernes sa loob ng opisina ng DFA ay tinitiyak niyang bawat kumukuha ng pasaport ay nabibigyan ng maayos na serbisyo ng kanyang mga tauhan.
Ito aniya ay upang manatili ang tiwala ng taumbayan sa mga ahensiya ng nasyunal na pamahalaan na siyang nagkakaloob ng serbisyo ng pamahalaan.
“Sinisikap ko na maibigay ang magandang serbisyo. Personal kong tinitingnan kong ano ang nagigiging problema sa araw-araw na pakikipag-transaksyon sa aming opisina ng mga kumukuha ng passport,” pahayag pa ni Mangubat.
Upang makita mismo ang problema na nai-encounter sa pagkuha ng passport ng ilang aplikante, si Mangubat ay naglagay ng kanyang lamesa sa labas ng kanyang opisina kung saan kita agad niya ang nangyayari at madali siyang lapitan ninuman.
Mismong siya din ang namamahagi ng mga application forms tuwing umaga na hindi naman ginagawa ng mga naging Regional Director ng DFA dito.
Kaugnay nito, marami naman ang nagpahayag na nasisiyahan sila sa ginagawang pamamahala ni Mangubat sa nasabing tanggapan at isa na rito ay pagiging mabilis na pagpo-proseso ng kanilang mga aplikasyon.
Samantala, sa panayam din kay Mangubat, patuloy nitong pinaalalahanan ang mga aplikante o sinumang nais na kumuha ng kanilang passport na umiwas na makipag-transaksyon sa hindi kawani ng DFA o sa mga tinatawag na fixers gayundin sa mga travel agency na hindi naman awtorisado ng kanilang tanggapan.
Tinagubilinan din nito ang sinumang aplikante na iwasan ang magsinungaling o sa pagbibigay ng detalye tungkol sa kanilang sarili upang mabilis na matulungan ng kanilang ahensiya.

Wala pang petsa ang plebesito sa Quezon - Provincial COMELEC
nina Lyn Catilo at King Formaran



Quezon Province – Kinumpirma ng Commission on Election o COMELEC sa lalawigang ito sa pamamagitan ng isang sertipikasyon na may petsang Oktobre 3, 2008 na wala pang opisyal na Resolusyon o Memorandum na ibinababa ang COMELEC Manila hinggil sa sinasabing plebesito ukol sa paghahati ng lalawigan.
Taliwas ito sa mga lumabas na ulat, partikular sa nasyunal na pahayagang Philippine Daily Inquirer na sa darating na Nobyembre 29, 2008 ilulunsad ang plebesito sang-ayon na din sa pahayag ni 3rd District Cong. Danilo Suarez.
Pinabulaanan ng Comelec na mayroon ng petsang itinakda para sa pagsasagawa ng plebesito. Ayon kay Mr. Erwin Mantes, ng Commission on Election dito, madami na ang nagtanong sa kanilang tanggapan hinggil sa aktuwal na petsa aktuwal na petsa ng plebesito subalit hindi sila makapagsabi ng anumang takdang panahon dahil sa kawalan ng Memorandum o Resolusyon mula sa kanilang head Office. Naghihintay din lang umano sila ng abiso ukol dito at matapos ito ay saka pa lamang daw sila makakakilos at makakapagpahayag sa publiko.
Ang katunayan mula sa COMELEC ay inilabas matapos na personal na hilingin ni Mr. Hobart Dator, presidente ng Save Quezon Province ang isang kasulatan mula sa nabanggit na tanggapan para sa ikalilinaw ng usapin.
Ayon kay Dator, ang hakbang na ito ay bahagi pa din ng serbisyo publiko ng SQPM at ayaw nilang maligaw ang Quezonian sa mga maling impormasyon na ipinalalabas ng mga taong ang hangarin ay mahati ang Quezon para sa mga pansariling kapakanan.

Maging si Atty. Sonny Pulgar, chairman ng SQPM ay nag-usisa na sa Comelec Manila matapos na lumabas sa PDI ang naturang petsa, at maging ang COMELEC head office ay nagsabi na wala pa silang opisyal na petsang ipinalalabas. Nalaman din ni Pulgar na hanggang ngayon ay wala pa umanong sapat na pondong gugulin ang Comelec para sa implementasyon ng plebesito sa Hati-Quezon.




Lopez, tumanggap ng 32 classrooms kay Gov. Nantes
nina King Formaran at Babes Mancia





Tatlumpu’t-dalawang (32) classrooms sa may 300 classrooms na ipatatayo ng gobernador ng Quezon Province sa mga paaralan sa buong lalawigan ang ibinigay sa bayan ng Lopez kamakailan.
Kaugnay nito, pormal ng ginanap ang Groundbreaking Ceremony para sa mga itatayong classrooms sa apat na paaralan sa nasabing bayan.
Anim dito ang itatayo sa Hondagua National High School, anim rin sa Lopez Comprehensive National High School at tig-sampung classrooms para sa Philippine Normal University (PNU) at Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Ayon kay Gov. Raffy P. Nantes, ang pagbibigay niya ng maraming classrooms sa bayan ng lopez ay bahagi ng kanyang programang pang-edukasyon upang muling mapataas ang antas at kalidad nito sa lalawigan. Gayundin, ito umano ay bilang pagtanaw niya ng utang na loob sa mga nasabing paaralan matapos siyang maimbitahang maging tagapagsalita sa nakalipas na Graduation Rites ng mga mag-aaral sa mga nabanggit na paaralan.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga lokal na opisyales ng Lopez sa pangunguna ni Mayor Sonny Ubana.
Ayon sa opisyal, ngayon lamang nakatanggap ng ganito kalaking biyaya ang kanilang bayan kaya dapat lamang nilang pasalamatan ang gobernador na napakalaki umano ng pagpapahalaga sa sektor ng edukasyon patunay umano dito ay ang pagbibigay nito ng scholarship grant sa mahigit sa isang libong mag-aaral sa kanilang bayan.
Samantala, maging ang Sangguniang Bayan ng Lopez ay nagpaabot na rin ng pasasalamat sa gobernador. Sinabi ni Vice-Mayor Celso Arit, isang resolusyon na pagpapahayag ng pasasalamat sa mga ibinigay na tulong at proyekto sa kanilang bayan ng ama ng lalawigan ang inaprubahan na ng Sangguniang Bayan.
Pinasalamatan rin ang gobernador nina Hondagua National High School Principal Nessie Villafañe, Lopez Comprehensive National High School Principal Adeline Dee, PNU School Director Prof. Florencia Capillan at PUP School Director Alicia de los Santos.
Sinaksihan ng mga mag-aaral at pamunuan ng Parents Teachers Community Association (PTCA) ng bawat paaralan ang okasyon kung saan nagsilbing guro ng palatuntunan ang Executive Assistant IV ni Gov. Nantes na si Mr. Ador Culing.








  

No comments: