Saturday, December 13, 2008

NEWS IN QUEZON

Panunuluyan sa SM Lucena, hinangaan ni Mayor Talaga
nina King Formaran at Babes Mancia
Sa pamamagitan ng Lucena City Council for Culture and the Arts at ng Soroptimist International Lucena Chapter, matagumpay na naipamalas sa mga kabataan at sa mga mamamayan ang talento ng mga mahuhusay sa larangan ng musika sa isinagawang Panunuluyan sa SM City Lucena noong Huwebes ng hapon sa Entertainment Plaza dito.
Labis na pinasalamatan ni Mayor Ramon Y. Talaga, Jr. ang bumubuo ng Soroptimist Int’l sa lungsod dahil sa patuloy na pagsasagawa nito ng Panunuluyan na matagal na umanong ipinapalabas sa Lucenahin bilang bahagi ng nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Ang Panunuluyan na kinatatampukan ng mga programang musikal ay nakabase sa naging buhay ng Dakilang Lumikha at kung ano ang hiwaga ng Pasko sa buhay ng mga tao.
Ayon pa sa alkalde, mahalaga ang ginagawa ng Soroptimist Int’l dahil sa kabila ng pinagkakaabalahan ngayon ng mga kabataan ay nahihikayat pa ng mga ito na gumawa ng isang programa upang makita ng karamihan ang talento ng mga ito at ipinadadama din sa pamamagitan ng mga awitin ang diwa ng Pasko.
Ayon kay Mrs. Mila Carlos, ang Panunuluyan ay matagal na nilang ginagawa at ninais nila ito ngayong ipakita sa publiko sa pamamagitan ng SM Lucena.
Ang Panunuluyan ngayong taon na tinawag na Christmas Music and Arts Celebration na kinatampukan din ng Christmas Painting Contest, Parol Making Contest at ng Musical Parade sa loob ng nasabing mall.
Ilan sa mga nakiisa na choir group sa nasbaing aktibidad ang Maryhill Choir, Sacred Heart College Violin Ensemble, Manuel S. Enverga University Foundation Concert Singers at MSEUF ChamberWinds na ang tumatayong Band Master ay si Mr. Erwin Rolle.
Naging matagumpay ang Panunuluyan sa suporta na rin mga miyembro ng LCCA, Ms. Chuchay Marasigan, Overall Coordinator, Konsehal Benny Brizuela, Mr. Felino TaƱada bilang Artistic Director, Mel Abadilla bilang Musical Director, Mignon Tan bilang Parade Director, Juliet Villanueva bilang Finance Officer, Lumen Avena at Maria Abulencia bilang Contest Chairmen, Marvin Fuentes sa Documentation, Leo Lagos at Donna Rodriguez na tumayo bilang Secretariat at sina Lilibeth Azores, Amy Balagtas at Tita Baronia bilang mga DepEd Coordinator.

Sinaksihan din ang pagtatapos ng 1,009 na “TEK-BOK” trainees
Pangulong Arroyo, nanguna sa inagurasyon ng QLLC
nina Lyn Catilo at King Formaran
Pinangunahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang isinagawang inagurasyon ng bagong Quezonian Livelihood and Learning Center (QLLC) sa bayan ng Sariaya noong Huwebes ng hapon na pinaniniwalaang malaki ang maitutulong sa pagtamo ng tamang kaalaman ng karamihan na magigiging sandata ng mga ito sa magandang bukas.
Isa sa advocacy ng Pangulo ng bansa ay ang matiyak na mabigyan ng mga livelihood programs ang mga mamamayan partikular na ang maralitang pamilyang Pilipino.
Ayon kay Don Ado Escudero, QLLC Chairman, ang nasabing learning center ay nagkakaloob ng may labing-apat (14) na livelihood and learning program na kinabibilangan ng mga kursong dressmaking, welding, massage therapy, bakery at pastry production, housekeeping services, food processing, cosmetology at crop at animan production.
Ang QLLC ay bagong katatayong two-storey building na nakatayo sa may isa’t kalahating ektarya ng lupain sa Barangay Concepcion I, Sariaya, Quezon.na naglalayong matulungan ang mga maralitang mamamayan na matulungang umangat ang pamumuhay sa pamamagitan ng iba’t-ibang pagsasanay na matututunan dito.
Dito din aniya, ayon pa sa panayam kay Escudero, ang mga estudyante ay sasailalim sa “hands-on training” laluna sa mga kursong cosmetology, computer technology at mga agricultural courses upang ang mga ito ay higit na magkaroon ng kasanayan na kailangan oras na sila ay magtrabaho.
Maliban sa inagurasyon ng QLLC, sinaksihan din ni Pangulong Arroyo ang naging pagtatapos ng may 1,009 na mga estudyante ng QLLC na matagumpay na natapos ang kani-kanilang kursong napili.
Sa isang panayam naman kay Quezon 2nd district Cong. Procy Alcala, sinabi nito na malaki ang naitutulong ng QLLC sa kanyang mga kadistrito lalo’t higit sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral na ngayon ipinagpapatuloy gayundin sa mga ngayon pa lamang mag-uumpisa na mag-aral para sa nais nilang kurso na mayroon sa QLLC.
Si Alcala, bilang isa sa masugid na nagbibigay ng magagandang proyekto at programa sa kanyang mga constituents ay naniniwalang ang QLLC ay isa ding solusyon sa mataas na matrikula sa mga pribadong paaralan. Sa pamamagitan aniya nito, matutupad ang pangarap ng karamihan na makapag-aral.
Isang malinaw itong halimbawa, ayon pa sa mambabatas na ang administrasyon ni Pangulong Arroyo ay patuloy na inilalapit sa mga mamamayana sa pamamagitan ng mga programa.
Kaugnay nito, nilibot ni Pangulong Arroyo ang loob ng QLLC tulad ng computer, demonstration at training rooms.
Ang QLLC ay itinatag ng Quezonians 1923, Inc., isang social organization ng mga estudyante, professionals at ng mga naninirahan sa Quezon Province.
Ang Quezonians 1923, Inc. ay nagkakaloob ng edukasyon, job skills training at iba pang programa sa mga karapat-dapat na pagkaloobang kabataan.
Ang ginawang pagtungo ni Pangulong Arroyo sa Quezon noong Huwebes ay naging matagumpay sa pamamagitan na rin ng pagsuporta ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan, Quezon National Agricultural School (QNAS), tanggapan ni Cong. Procy Alcala at ng QLLC.

No comments: