Mayamang karanasan sa Tanggol Kalikasan
Isang makakalikasang araw sa ating lahat. Isang malaking karangalan po na makatuwang ang inyong lingkod ng Tanggol Kalikasan sa ganitong makabuluhang gawain na naglalayong maibahagi ang kaalaman at mayamang karanasan hinggil sa paggawa ng balitang may kaugnayan sa ating inang kalikasan.
Sa lahat ng participants mula sa lalawigan ng Camarines Sur, Batangas at Laguna, welcome po sa Quezon Province at sana’y ang ilan sa mga sasabihin ko base sa karanasan sa pagsama sa Tanggol Kalikasan, isang nangungunang environment group sa buong Timog Katagalugan ay higit na makapagbigay ng inspirasyon sa ating lahat.
Bago ako tuluyang mag-umpisa, batiin ko muna ng isang espesyal na hapon ang aking itinuturing na kapatid sa mundo ng pamamahayag na si Ms. Jet Claveria, gayundin si Ms. Lilibeth Azores, ang masipag at mahusay na PR manager ng SM City Lucena. Nagpunta ‘lang po dito ang dalawang ‘yan para suportahan ako, ganyan po nila ako kamahal ngunit natitiyak ko bago sila umalis sa lugar na ito, magpapasalamat sila dahil marami silang matututunan sa seminar & workshop na ito na itinaguyod ng Tanggol Kalikasan.
Tunay na ang kalikasan ay dapat po nating pangalagaan. Ito ang ating tahanan. Sa halip na abusuhin, marahil dapat nating pagyamanin.
Ang mga salitang ito ay itinuturo na po ngayon hindi lamang ng mga responsableng magulang sa kanilang mga anak kundi maging sa mga paaralan. Kampanya na rin ito ng iba’t-ibang samahan kabilang na si Cong. Procy Alcala, isang kilalang environmentalist bago pa napasok sa mundo ng pulitika.
Saludo ako sa mga batang lumaki hanggang sa magkaroon ng kani-kanilang buhay na may pagpapahalaga sa bawat bahagi ng kalikasang kaloob sa atin ng Maykapal.
Sabi nga, tayo ang mangangalaga nito, tayo ang makikinabang at sakaling masira dahil sa walang humpay na pag-abuso at pagwasak ng mga bahagi nito, tayo ring mga tao ang apektado.
Isang bagay na maipagmamalaki ng inyong lingkod ay bukas ang aking kaisipan sa kahalagahan ng kalikasan dahil mula po ako sa ipinagmamalaki kong maliit na bayan ng San Francisco sa Bondoc Peninsula. Isang munting bayan kung susukatin ngunit mayroon po kaming karagatan at kabundukan na pinagkukunan ng ikinabubuhay ng aking mga kababayan.
Akala ko ng mag-kolehiyo ako ay malalayo na ako sa lugar na aking kinagisnan. Nagkamali ako. Hindi po pala dahil noong estudyante pa ako, sa Immersion Program ng AKMA o Alyansa ng mga Kristiyanong Mag-aaral, masuwerte akong nakabilang sa mga nakipamuhay sa mga mahihirap na pamilya sa Kalinga, Apayao.
Doon ko nakita ang buhay ng walang sariling pag-aaring lupa, ng mga magulang na kapos ang kakayahang pinansiyal para makapagpaaral ng kanilang mga anak at kung pa’no pagyamanin ng mga naninirahan doon ang kanilang bukirin bilang source of income nila na gastusin sa araw-araw nilang pangangailangan.
Higit pa akong namulat sa reyalidad ng buhay ng pasukin ko ang industriya ng pamamahayag.
Hindi lamang paggawa o pagbasa sa harap ng kamera o habang nagbabasa ng balita sa radyo ang tungkol sa current events o political news ang itinuro sa apat na sulok ng mga naging professors ko noon sa Manuel S. Enverga University Foundation. Itinuro din sa amin ang paggawa ng balitang may kaugnayan sa kalikasan. Ito ay dahil sa ang kalikasan ay bahagi ng ating ginagalawan. Mahalagang mabatid ng bawat isa, ng bawat mamamayan kung ano ang nangyayari sa ating komunidad.
Nag-umpisa ako bilang field reporter ng DZEL ng Eagle Broadcasting Corporation. Sumunod dito ay ang pagiging newswriter sa mahabang panahon hanggang sa humawak na ng sariling programa.
Bahagi na ng araw-araw kong pagpoprograma ang pagtalakay sa kalalagayang pangkalikasan ng Quezon Province.
Dito na nag-umpisa ang pagsugod ng mga taong nasasagasaan sa araw-araw kong pag-komentaryo. Ngunit hindi po ako tumigil dahil ang pananaw ko sa buhay, alam ko ang ginagawa ko at kilala ko ang sarili ko.
Hindi ko kailangang pumuri dahil sa kinang ng salapi o bumanat ng isang tao dahil sa dikta ng iba.
Dahil wala akong iniiwasan sa pagtalakay, may mga naaapektuhan. Ilan sa mga ito ay nasa puwesto pa ngayon sa gobyerno at marahil hindi nila ako makakalimutan.
Higit na nagbigay ng tapang na nasa katwiran sa inyong lingkod ay bunga ng mga seminars at tulad nito na ginawa ng TK ilang taon na ang mga nakalipas.
Lalo po akong walang iniwasan, maging sa porma ng panulat o pagtalakay sa pagpoprograma sa radyo.
Ang mga opisyal ng pamahalaan o ilang personalidad na lumalabag sa RA 8550 o may kaugnayan sa iligal na pangingisda ay hindi po nakakalampas sa malupit kong panulat, gayundin ang nangyayaring pagmimina ng ginto sa bayan ng Buenavista. Ang dalawang malaking problema na ito na kinakaharap hanggang ngayon ng mga taga-Buenavista ay patuloy kong tinututukan, gayundin, hindi ko inaalis ang aking mapanuring mata sa mga opisyal na ginagamit ang kapangyarihan para mangibabaw ang pagsamantala sa kalikasan.
Sa pamamagitan ng Tanggol Kalikasan, madali na sa akin na makita ng personal ang ginagawang paglabag ng ilang personalidad o grupo sa batas pangkalikasan.
Nakakatulong ito dahil nahihimay ko ng husto kung ano ang kanilang violations. Hindi yaong personal na banat lamang o puro hearsay o kaya’y opinion lamang. Dahil kung ang isang broadcaster ay magbabase sa naririnig sa iba o kokopyahin sa ibang dyaryo ang balita, baka sumablay kayo at pagtawanan ng makakabasa ng inyong write-ups.
Dahil tayo ay bahagi ng Fourth Estate, dapat natitiyak natin na kita natin ang pangyayari, nasa lugar tayo at higit sa lahat, alam natin ang issue.
Tinitiyak ng TK na sa bawat pangyayari na nag-aaya sila ng media. Maraming beses na akong nakasama. Puno ng saya, kantyawan, halakhak ang bawat lakad ng grupo ngunit ang halaga nito ay hindi matutumbasan.
Ang tahimik na Bundok Banahaw na sumasakop sa Quezon at Laguna Province ay maraming beses ko ng naakyat.
Sa lahat ng narito, maipagmamalaki ko at alam ito ni Atty. Sheila de Leon na kahit anong lakas ng ulan at putik ng daan paakyat at pababa ng Bundok Banahaw, ang akin pong paa ay hindi nagkakadumi at hindi ako kahit kailan nadapa sa kilo-kilometrong paglalakad ng grupo. Ang sikreto ay wala po sa brand ng tsinelas o sapatos.
Magkagayunman, bilib din ako sa mga kasama kong media na umaakyat ng bundok na kahit nadadapa at nadudumihan ang kanilang damit ay patuloy at patuloy na sumasama sa lakaran ng Tanggol Kalikasan.
Tunay na dapat na pangalagaan ang Bundok Banahaw. Isang lugar ito na ideneklara bilang protected area.
Kahit ang isang pulitiko ay napupuna ko sa ilang aspeto, kapag kalikasan naman ang nasasangkot at alam kong mas malaki ang epekto sa mga naninirahan, kakampi po ako. Isang patunay dito ay ang alkalde ng lungsod ng ito. Marami akong nagawang balita at pagtalakay sa radio na negatibo tungkol sa kanya ngunit dahil may treasure hunting na nangyayari sa ilang barangay na sakop niya, kasama po ako ng libu-libong mamamayan ng lungsod ng Tayabas na sumugod sa lugar.
Dito ko nakita na kahit minsan nagkakawatak-watak sa ilang issue, nabubuo naman ito kung para sa kalikasan.
Nakakatuwang makita na ang tao ay sama-sama kapag sangkot ang kalikasan.Hindi sayang ang maghapon na isinama ko sa Tanggol Kalikasan dahil napatunayan kong ang Tayabasin ay may pagkakaisa.
Maimpluwensiya ang nasa likod ng treasure hunting na iyon at hanggang ngayon, naninindigan ang mga Tayabasin na kung babalik ang mga treasure hunters para maghukay uli sa mga kabundukang lugar dito, babalik at babalik din po ang Tanggol Kalikasan at ang nasabing libong bilang ng mamamayan para tutulan.
Hindi rin namin pinalampas ang mga punong nadadaanan naming ni Atty. Sheila, paakyat at pababa ng bundok na iyon para hindi makapagpa-picture at ilan sa kuha naming ay nakikita po n’yo ngayon.
Kabilang din po ako at hindi ko pinalampas ang byahe ng Tanggol Kalikasan sa lalawigan ng Pangasinan. Sa ilang araw na pagtigil doon, iba’t-ibang lugar ang tinungo at syempre ang Hundred Islands na ngayon ay nadagdagan na ay hindi rin pinalampas ng grupo.
Sa Tanggol Kalikasan, laging bago ka umuwi, may saya.
Ang inyong pong lingkod ay hindi naman natakot sa malalaking alon na humahampas noon sa aming sasakyang pandagat patungo sa Real, Quezon. Ito ay noong dumapo sa mga kababayan natin sa REINA area o Real, Infanta at General Nakar ang tila bangungot na trahedyang dumating sa kanila.
Maaaring hindi nakakalimutan ng lahat ang pangyayaring binabanggit ko. Ito yaong libong bilang ng mamamayan sa REINA ang nasawi at sumira sa bilyong pisong halaga ng pananim at alagang hayop ng mga residente doon.
Importante sa akin na aktuwal kong makita ang sinapit ng mga taga-REINA. Ang ginawa ng TK na pagtungo sa lugar ay hindi ko makakalimutan. Dahil sa sama ng panahon, hindi na nakayanang umuwi sa Lucena City ng hapon ding iyon kung kaya’t Dec. 5, 2004 ay inabot na ako ng birthday ko sa Real kasama ang TK family at ilang kasama sa pamamahayag.
Ang nangyari na iyon sa REINA ay isang malinaw na halimbawa na dapat hindi inaabuso ang kalikasan. Dahil kapag nangyari ito, tila walang bukas na naghihintay ngunit nakakatuwa namang ng bumalik ako noong isang linggo lamang sa bayan ng Infanta ay unti-unti na itong nakakabangon.
Sana’y mula sa trahedya ay natututo ang tao.
Isa naman sa masayang naging biyahe kasama ang Tanggol Kalikasan ay ang pagtungo sa lungsod ng Baguio noon.
Walang pagod na ipinasyal ng TK ang media noon sa mga magagandang lugar ng Baguio City.
Napakaraming IEG seminar na ang nadaluhan ng inyong lingkod para sa mga elected officials ng iba’t-ibang bayan. Pagbabahagi ng kaalaman sa batas pangkalikasan sa mga ito at kung ano ang gagawin sa implementation nito.
Ang TK at SM City Lucena ay partner po laluna sa tamang pamamahala ng basura. Tuwing ikalawang Sabado ng bawat buwan, nagsasagawa sila ng Waste Market Day. Hindi ba’t isang balita ito? Na sa halip na itapon ang basura kung saan-saang lugar ay ipunin na ‘lang at ibenta tuwing may waste market day. Kung magagawan natin ito ng balita, malaking tulong ito sa pagresolba sa lumalalang problema natin sa basura.
Matuturuan pa natin ang tao na panatilihin ang disiplina sa pagtatapon ng basura.
Kabilang din ako sa ginawang pagpapakawala ng mga pawikan noon ng TK sa baybaying-dagat na sakop ng Pagbilao, Quezon kasama ang mga naggagandahang Kinatawan ng iba’t-ibang bansa para sa Ms. Earth 2002.
Dahil dapat lamang na pangalagaan ang lahat ng mga hayop kabilang na ang mga ibon na gubat ang tahanan, walang takot na sumama ako noon sa ginawang panghuhuli ng TK sa ilang mga kalalakihan sa isang barangay sa lungsod pa rin ng Tayabas na ginagawang hanapbuhay ang panghuhuli ng mga ibon at ibinebenta.
Sumama din ako sa pagdadala ng mga agila na nasagip ng TK patungo sa UPLB Los Banos, Laguna.
Kapag ang pag-uusapan ay kalikasan, kahit saang lugar ako magtungo, malakas po ang loob ng inyong lingkod dahil sa mayaman kong karanasan. Bilang nasa Fourth Estate, marami tayong magagawang balita. Tumingin ka lang sa isang puno ng kahoy, marami ka ng puedeng gawing balita tungkol dito.
Inis ako sa mga may nakikita ngunit wala namang masabi o maisulat. May isang lalawigan ako sa CALABARZON na napuntahan na may malaking isang problema ngunit talagang nakakapagtaka kung bakit wala talagang lumalabas na balita sa kanilang lugar tungkol sa isang problema na bunga ng kapabayaan ng ilang nasa ahensiya ng pamahalaan kung kaya’t ang nasabing problema kahit nakakaperwisyo na ng isang negosyo ay patuloy pa rin.
Ayaw kong isipin na ang balita ang kailangang lumapit sa kanila kundi tanging ang iniisip ko na ‘lang ay baka hindi ‘lang nila napapansin.
Ang pagsama sa Tanggol Kalikasan ay hindi para sa kanila at hindi rin para ating mga mamamahayag. Sa uri ng propesyong ating niyakap, ang lahat ng ito ay maituturing na public service. Tumutulong tayo para sa ating kapwa. Nagsisilbi tayong eye-opener para sa mga nasa gobyerno na tila hindi natutugunan ng maayos ang kanilang sinumpaan sa bayan. Binubuksan din natin ang isipan ng ilang mapagsamantala sa ating kalikasan.
Sana ang ilan sa mga naibahagi ko ngayong hapon na ito ay makapagbigay ng inspirasyon sa inyong lahat. Ang pagsulat ng balitang may kaugnayan sa ating kalikasan ay hindi sa dahilang para maiba naman kundi dahil kasama ito sa dapat nating maipabatid sa publiko. Interes ito ng lahat.
‘Wag nating hayaan na tuluyang masira ang kabundukan dahil sa walang humpay na pagpuputol ng kahoy, masira ang mga coral reefs dahil sa walang tigil na dynamite at illegal fishing at kung anu-ano pang porma ng pagsira sa kalikasan. Kapag nakasilip tayo ng butas at may pruweba, gawan na natin ng balita upang hindi na lumaki pa ang problema.
Gamitin natin sa makabuluhang bagay ang ating panulat at ang pagtalakay sa ating mga programa sa radyo’t telebisyon.
Mabuhay po kayo, ang Tanggol Kalikasan at ang mga mamamahayag!
(EDITOR’S NOTE: Ito po ang nilalaman ng mensahe ni Ms. Celine M. Tutor sa harap ng mga mamamahayag mula sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna at Camarines Sur, makaraang isa sa naging speaker at nagbahagi ng karanasan sa pagsama sa Tanggol Kalikasan, kaugnay ng isinagawang “Mainstreaming Environmental Information and Education Campaign Seminar & Wokshop” sa Nawawalang Paraiso Resort and Hotel sa Tayabas City noong October 22-24, 2008).
Saturday, October 25, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment