Sa mga proyektong inilunsad ni Mayor Ramon Talaga Jr. sa Lucena
City Hall sa barangay binuksan
nina Lyn Catilo at King Formaran
Upang higit na mailapit sa mga mamamayan sa may 33 barangay na sakop ng lungsod ng Lucena ang mga programa para sa mga ito, inilunsad kamakailan ng alkalde dito ang “City Hall sa Barangay”.
Malaki ang paniniwala ni Mayor Ramon Y. Talaga, Jr. na sa pamamagitan ng nasabing programa, ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng ilang departamento ng pamahalaang panlungsod ay dadalhin sa mga barangay upang agad na matugunan ang ilang mga pangangailangan ng mga mamamayan at ng mismong barangay.
Ilan dito ay ang City Health Office, City Social Welfare and Development Office, Public Employment and Services Office, City Engineering’s office, Technology and Livelihood Development Center, City Anti-Drug Abuse Council, City Agriculturists Office, City Registrar’s Office, Business Permit and Licensing Division, City Planning Development Office at marami pang iba.
Ipinaliwanag ng alkalde na sa bawat barangay na mapipili ay magkakaroon ng medical and dental mission, jobs fair, libreng pagpaparehistro, livelihood seminar, libreng gupit at marami pang ibang serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaang panlugnsod.
Binigyang-diin pa ni Mayor Talaga na nais niyang mailapit ang serbisyo ng city hall sa mga barangay.
Batid niya na dahil sa kahirapan ng buhay ay hindi na magawa ng mamamayan na magtungo sa city hall upang mag-asikaso ng ilang mahahalagang bagay katulad ng pagpaparehistro ng kanilang mga anak at iba pa.
Sa pamamagtian ng city hall sa barangay ay mabilis na maipagkakaloob ang anumang serbisyo publiko na kanilang kakailanganin.
Umaasa pa si Mayor Talaga na tatangkilikin ang programa ng mga mamamayan. Hindi ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang programa at nakikita pa rin nila ang pangangailangan para dito kung kaya muli itong inilunsad.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment