Saturday, October 18, 2008

News In Quezon

Probinsya ng Aurora at Quezon muling magsasama
Ni Jet Claveria


Sa kabila ng pagpupursigi ng mga nagsusulong na magkaroon ng Quezon del Sur at Quezon del Norte na umano’y isang paraan ng pag-unlad ay patuloy naman ang pag-iisip ng pamahalaang local upang mapabilis ang kaunlaran hindi lamang sa lalawigan ng Aurora kundi maging sa lalawigan ng Quezon.


Muling mapag-iisa ang pinaghating lalawigan sa pamamagitan ng tulay na siyang mag-uugnay sa dalawang nagkahiwalay na probinsya.

Kapag naisaayos na ang pag-uusap ng patungkol sa konstruksyon ng Umiray bridge sa pagitan ng Dingalan, Aurora province at General nakar , Quezon ay tiyak na magsisimula na ang proyekto.Ito ang naging paniniyak ni Quezon Provincial Administrator Aris Flores sa isang panayam.

Aniya kung mayroong tulay na magdudugtong sa Aurora at Quezon ay mas bibilis ang pag-unlad ng dalawang lalawigan.

Binigyang diin ng provincial administrator na walang gagastusing pera ang dalawang probinsya kung saan itoy popondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na aabot sa 500 milyong piso.

Ang malaon ng pangarap na nais maisakatuparan noon pa man ni Gov. Raffy Nantes na magkaroon ng Umiray Bridge ay suportado rin ng pamahalaang panlalawigan ng Aurora.

Kapag nakagkaroon na ng Umiray Bridge na dudugtong sa Dinggalan ay mapapadali na ang pagdadala ng mga kalakal sa Maynila at maging ang mga motorista.

Hindi na kailangang umikot pa ang sinumang biyahero sa Maynila, Bulacan,Nueva Ecija sa Nueva Viscaya bago marating ang Aurora.


Kaugnay nito, nasisiyahan naman ang mga negosyante nang malaman ang planong ito sapagkat higit na uunlad ang kanilang mga negosyo at mas marami pa silang matutulungang Quezonian.

Kung mayroong tulay na mag-uugnay sa dalawang bayan Dinggalan at General Nakar ay sisigla ang komersyo ng magkabilang panig.Tiyak na maraming mga negosyo ang magbubukas na mayroong kinalaman sa agrikultura at turismo,ito naman ang ipinahayag ng Quezon Lucena Chamber of Commerce.

Kaunlaran ang prayoridad ng mga nanunungkulan sa Quezon at kailangan lamang ay magkaroon ng political will ang bawat isa,ito naman ang pahayag ng mga negosyante sa Lucban Quezon.


Sa kabilang dako, patuloy pa rin na pinag-uusapan ang paghahati ng lalawigan kung saan maging ang iba’t ibang sector ng lipunan ay nahahati ang kanilang mga pananaw kung dapat nga bang magkaroon pa ng Quezon del Sur at Quezon del Norte.

Masidhi pa rin ang hangarin ng mga nagsusulong na magkaroon ng plebisito kung saan ayon na rin kay Cong. Erin Tanada ay hindi naman iniiwanan ang nasabing usapin at iisa pa rin ang kaniyang tinatayuan ang pagkakaroon ng Quezon del Sur at Quezon del Norte.


Magugunitang nagbigay ng komento si Pilontropist Berting Licup na isang kalokohan lamang ang paghahati sa lalawigan.

Samantalang yes naman sa paghahati si City Mayor Ramon Talaga jr. dahilan sa paniniwalang ito ang makapagpapadali ng minimithing kaunlaran ng mga taga Quezon.

Gayunman, inaabangan pa rin ng mga mamamayan kung anong kahihinatnan ng nasabing usapin at nakahanda naman sila sa anumang pagpasyahan.

Kailangan tayong sumunod sa time table as mandated by the law- Cong. Suarez
Plebisito sa hati Quezon tuloy o hindi?
Hindi ito tuloy dahil walang pondo-Cong. Enverga
Ni Jet Claveria


Nalilito na ang mga taga lalawigan ng Quezon sa samu’t saring ulat patungkol sa isyu ng paghahati ng lalawigan.Lahat ng mga may kinalaman sa isyung pagkakaroon ng Quezon del Sur at Quezon del Norte ay kaniya-kaniyang pahayag ng kanilang mga opinion na nagdudulot tuloy ng kalituhan ng mga taga Quezon.

Ayon sa pahayag ni Cong. Danny Suarez, ng ikatlong distrito ng Quezon kailangang sumunod sa time table as mandated by the law.” The plebiscite is now a go.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa kongresista, sinabi nitong ipinatawag siya kamakailan ni Comelec Chairman Jose Melo kung saan ang plebisito ay nakatakdang isagawa sa huling sabado sa buwan ng Nobyembre.

Sinasabing ang RA 9495 ay nagkabisa upang mapasimulan ang countdown para sa pagdaraos ng plebisito sa mainit na usaping hati Quezon.

Binigyang diin pa ng solon ang kanyang panawagan sa mga local na opisyal ng lalawigan na huwag ilihis sa mga impormasyon ang mga mamamayan upang malaya ang mga itong makapagpasya sa paghahati sa Quezon.

Dagdag pa nito, na nagbigay ng P50Milyong piso ang Comelec upang gamiting panggastos sa isasagawang plebesito.

Kaugnay nito, mariin naman ang naging pahayag ni Cong. Mark Enverga ng unang distrito ng Quezon , sa naging panayam ni King Formaran reporter ng Monday Times na hindi tuloy ang plebisito dahilan sa wala naman itong pondo.

Pinarunggitan pa nito ang mga namiminuno sa ikatlong distrito ng Quezon na bigyang pansin ito dahilan sa ang Bondoc Peninsula ang may pinakamataas na antas ng mga mahihirap sa Quezon.

Sa naging pahayag naman ni Cong. Erin Tanada, sinabi niyang hindi niya inabandona ang pagbubuo ng Quezon del Sur at Quezon del Norte, kung saan sinabi nitong walang problema sa kanya kung marami mang magsulputang grupo na kokontra sa RA 9495.

Ang nasabing paghahati ng lalawigan ay buong igting naman na pinipigilan ng grupong Save Quezon Province Movement na pinangungunahan nina Hobart Dator at Atty. Sonny Pulgar.

Kaugnay nito, sinikap naman ng Monday Times na kunin ang pahayag ni Governor Raffy Nantes kung ano ang kanyang reaksyon hinggil sa isyung ito lalo na sa mga ulat na wala siyang palabra de honor sa kaniyang binitiwang pagpabor noong isa pa siyang kongresista na mahati ang Quezon .Subalit walang sumasagot sa kaniyang telepono.

Magugunitang maraming mga personalidad ang nagpahayag ng kani-kanilang pananaw sa paghahati ng lalawigan.

Nagbigay ng komento si Pilontorpist Berting Licup na isang kalokohan lamang ang paghahati ng Quezon kung saan dapat na political will lamang ng isang opisyal ang magpapaunlad ng lalawigan .

Samantalang pabor naman si Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr. dahilan sa malaki ang kaniyang paniniwala na madaling umunlad ang Quezon kung mahahati ito.

Ang apo naman ni Quezon na si Manuel Roxas 111 ay hindi rin pumapayag na mahati ang Quezon sapagkat aniya’y ang lalawigan ng Aurora at Marinduque ay dating sakop pa rin ng Quezon.

Nawala sa Quezon ang Aurora at Marinduque subalit halos wala ring nababago .

Gayunman, sa usaping ito ay nahahati rin ang mga pananaw ng mga taga Quezon ,mayroong nalulungkot at mayroon namang natutuwa.

Mayroon ding nagsasabi na baka isugal lamang ang gagawing pagkakaroon ng Quezon del Sur at del Norte subalit mas magiging aba ang isa sa kanila.

Bunga nito, dapat rin umanong mag-isip ang lahat kung dapat nga bang mahati ang Quezon o hindi at kung anong naghihintay na kapalaran sa mga Quezonian .

No comments: