Saturday, November 15, 2008

Alabat Quezon

Please read....


38 BANTAY DAGAT NAGTAPOS NG PAGSASANAY SA BAYAN NG ALABAT, QUEZON


Alabat Quezon:



May 38 Bantay Dagat ang nanumpa sa Pamahalaang Lokal ng Alabat sa pangunguna ni Kgg. Artemio S. Mascarina, Punong Bayan ng Alabat, Quezon na susunod at magpapatupad ng lahat ng Batas Pampangisdaan sa Katubigan ng Alabat. Binigyang diin ni Mayor Mascariña ang linya ng panunumpa na maging makadiyos, makatao, makabayan at makakalikasan ang mga Bagong talagang Bantay Dagat.



Hinamon din nya ang mga ito na maging masigasig sa pagpapatupad ng Batas Pangisdaan at huwag matukso sa anumang panunuhol ng lalabag sa batas. Siniguro din niya na lubos ang kanyang suporta sa mga Bantay Dagat.



Dumaan sa masusing pagsasanay ang mga Bantay Dagat sa pangunguna ng Pambayang Agrikultor sa ilalim ni G. Zita Mesa . Naging tagapagsanay sa mga Bantay Dagat ang angTanggol Kalikasan na matatandaang nagsanay din sa mga Bantay Dagat ng Mauban noong nakaraang Setyembre taong kasalukuyan. Sa tatlong (3) araw na pagsasanay bukod sa pagtatalakay ng mga Batas, paggawa ng Salaysay, demanda at mga pagsusulit, nagkaroon din ng “actual law enforcement” ang mga Bantay Dagat kasama ang Task Sagip Likas Yaman ng Provincial Government ng Quezon. Dumalo din sa pagtatapos sina Vice Mayor Arnel Baldovino, Konsehal Ramon Polo at P/Insp. Avelino Maraya na nagbigay ng kanilang suporta at hamon sa mga talagang Bantay Dagat.



Nakahuli ang grupo ng isang mano-manong “buli-buli” na aktong nangingisda sa loob ng municipal water gamit ang ipinagbabawal na palakaya. Akma pang tatakas ang nasabing buli-buli pero mabilis ang bangkang sinasakyan ng mga Bantay Dagat, kung kaya’t hindi na nakaporma pa ang buli-buli. Nakilalang si Manny Piñol ang may-ari at kapitan ng bangkang may pangalang “Gleacela”, taga Brgy. Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon.

Naibulalas din ng akusado na hindi man lamang daw sya “na—text” na may nanghuhuli para hindi na siya nakalaot pa. Naging alibi pa ng akusado na siya ay magkikitang ngunit hindi na nakapalag pa ng makita ang lambat at pabigat na siyang nagpapatunay na buli-buli ang kanyang palakaya.



Ayon parin sa Punong Bayan, kahit doble na ang pagbabantay nila sa kanilang katubigan, mayroon pa ring nakakalusot na nag iilegal mula sa iba’t ibang lugar kagaya ng Atimonan, Perez at Quezon. Hiling din ni Mayor Mascarina na higpitan din ng iba pang bayan sa Lamon Bay ang pagpapatupad ng Batas Pangisdaan para naman mas dumami pa ang isdang mahuli. Ayon pa sa kanya malaki ang naging pagbabago nang mahigpit na maipatupad ang Batas Pangisdaan sa kanilang bayan dahil mas malalaki at mas marami nang isdang nahuhuli sa kanilang bayan. Plano din nya na naging tourist destination ang Fish Sanctuary sa Alabat, kagaya ng nakita nya sa Bohol noong isinagawa ang Lamon and Tayabas Bay Mayor’s Conference noong 2005. Nalungkot lamang siya sapagkat matapos mabuo ang Lamon Bay Integrated Fishery and Aquatic Resources Management Council ng Lamon Bay na pinamunuan ni Mayor Isarme Bosque ng Polilio ay hindi na sila nag –usap pa, na sana daw ay makapag usap muli.



Sinampahan naman ng kaukulang demanda si Piñol sa paglabag sa Batas Pangisdaan RA 8550, Seksyon 92 in relation to Fisheries Administrative Order No. 222 sa paggamit ng buli-buli. Kasalukuyang nakapiit ang nasabing akusado sa “Quezon Provincial Jail” sa Lungsod ng Lucena.



Nakumpiska sa nasabing akusado ang lambat, pabigat (tom weight with rings)at bangka na nasa pag iingat ng Pambayang Agrikultor at himigit kumulang 30 kilo ng iba’t ibang uri ng isda na ipinamahagi sa Pambayang Kulungan at Ospital ng Bayan ng Alabat alinsunod sa FAO 206 ng RA 8550 o Fisheries Code of the Philippines.

1 comment:

Marvindelfs said...

elow po...kuya puede ko po bang ipost ang newspaper new sa aking site?

www.alabat.ning.com