Saturday, November 15, 2008

Please read....

Para sa Bayan
ni Celine M. Tutor
BM Edaño, may paninindigan
Sinukat ng ilang mga mapanuring mamamayan ng lalawigan ng Quezon ang kakayahan, abilidad at husay ng ilang naglilingkuran sa pamahalaan partikular na sa pamahalaang panlalawigan.
Hindi maitatanggi, kadalasan kasi na napupuna ang mga ito dahil sa pagiging hindi epektibo sa kani-kanilang tungkulin, bagama’t ang Para sa Bayan ay pinupuri naman ang ilang personalidad na sa tingin ko’y karapat-dapat. Sila yaong nagtatrabaho ng buong husay at pinipilit na makapagbigay ng magandang serbisyo sa tao.
Sa mainit na usapin ngayon hinggil sa Republic Act 9495 o may kaugnayan sa paghahati ng lalawigan ng Quezon, kapansin-pansin ang hindi malinaw na posisyon ng ilang opisyal. Ang iba kasi ay halatang umiiwas na pag-usapan ito o kaya naman ay tanging ang sinasabi ay LET THE PEOPLE DECIDE.
Maganda ang paliwanag dito ni Quezon Vice-Governor Kelly Portes, dapat ay sabihin kung ano ang tunay na posisyon at ipabatid sa publiko ang kahihinatnan ng lalawigan sakaling tuluyan itong mahati.
Kaya nga raw kung tawagin ay lider. Nangangahulugan ito na mangunguna. Maglilingkod sa tao at hindi dedepende sa kung ano ang gusto ng tao dahil ang isang magaling na lider ang magpapasunod sa tao ng naaayon sa batas at tama.
Hindi daw makatwiran na ang isang opisyal ay walang malinaw na posisyon sa isang mahalagang usapin na sangkot ang lalawigan.
Sa paglalatag ng katwiran at mahalagang opinion ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kamakailan, taas-noo na tinuran ng aking kababayang Bokal Romel Edaño na pabor siya na mahati ang Quezon.
Ilan lamang na katulad ni Bokal Edaño ang tumayo ng may posisyon at paninindigan.
Magaganda ang kanyang paliwanag. May puntos at may malaking puso sa kanyang mga kadistrito. Inisa-isa niya kung bakit dapat na mahati ang Quezon at kung ano ang maidudulot nito sa mga mamamayang naninirahan sa Ikatlo at Ikaapat na distrito.
Kunsabagay, talaga namang nakikita ni Bokal Edaño ang kalalagayan ng mga taga-Bondoc Peninsula dahil madalas po siya sa kanyang distrito.
Kanyang sinabi na upang mailapit ang gobyerno sa tao, dapat talaga itong mahati. Lalapit ang gobyerno dahil paliwanag niya ang magiging Kapitolyo, base sa RA 9495 ay ang bayan ng Gumaca. Mas magiging mabilis na umano ang pagtungo sa tanggapan ng iba’t-ibang national agencies ang mga tao. Hindi na mahihirapan tulad ng ginagawang pagtungo umano sa lungsod ng Lucena kung saan ito ngayon ang sentro ng lalawigan.
Punto por Punto na kanyang ipinaliwanag kung bakit siya pumapabor. Katulad din siya ni 1st district board member Alona Obispo na mayroon ding paninindigan na bagama’t tutol naman na mahati ay kanya ding ipinaliwanag kung bakit siya tumututol.
Mahalagang maibigay sa tao ang katwiran. Parehas na mangyayari sa lalawigan sakaling mahati ito at hindi at tao ang magdedesisyon pero yaong hindi daw magsasabi kung pabor o hindi ay mukhang hindi daw maganda, sabi bi Vice-Gov. Portes at paniwala d’yan ang mga miyembro ng Rotarians.
Sa mga mabibigat na usapin, lumilitaw ang kakayahan ng isang tao. At sa mabigat na usapin tungkol sa hati-Quezon, nakikita ang kakayahan kung pa’no tumayo at magpaliwanag ng kanyang mga kadahilanan ang isang opisyal sa kanyang tinayuang posisyon at sa mga katwiran na inilatag ni Bokal Edaño, masasabing mayroon siyang paninindigan na mahalagang katangian na taglayin ng isang nanunungkulan sa pamahalaan.
Mananatili ang tiwala at mataas na pagrespeto ng mga tao sa isang tulad ni Bokal Edaño na may paninindigan at ipinaglalaban ang sa tingin niya ay dapat, lalo’t higit para sa kanyang mga kababayan.

# # #

Kung kayo ay katulad ng mga magsasakang gumanda at nabago ang buhay dahil sa mga makabagong sistema ng pagsasaka na itinuturo ng tanggapan ni Quezon 2nd district Cong. Procy Alcala, email n’yo lang po ako sa brilliantceline@yahoo.com para sa anumang suhesyun o reaksyon.

No comments: