Saturday, November 22, 2008

NEWS :DIVISION OF QUEZON

SA PAGBIYAK NA BUONG QUEZON
December 13 plebisito na
Ni Jet Claveria

Pinal na ang petsang December 13 para sa gaganaping plebesito sa ipinasang batas na pagkakaroon ng Quezon del Sur at Quezon del Norte.

Ayon sa itinatadhana ng Republic Act 9495 sa pagkakaroon ng Quezon del Sur ay binubuo ng mga munisipalidad ng Agdangan, Buenavista, Catanauan, General Luna, Macalelon, Mulanay,Padre Burgos, Pitogo, San Andres, San Francisco, San Narciso,Unisan, Alabat, Atimonan, Calauag, Guinyangan, Gumaca, Lopez, Perez , Plaridel, Quezon and Tagkawayan,

Sa ilalim din ng nasabing batas ay mananatili naman sa Quezon del Norte ang mga munisipalidad ng Burdeos, General Nakar, Infanta, Jomalig, Lucban, Mauban, Pagbilao, Panulukan, Patnanungan, Polilio, Real, Sampaloc, Candelaria, Dolores, San Antonio, Sariaya, Tiaong Tayabas, at Lucena City.

Inaasahan na lalabas ang mga mamamayan ng Quezon upang iboto ang kanilang mga sariling kagustuhan kung “yes or No” na mahati ang kabuuan ng lalawigan ng Quezon.


Nauna rito,nagpahayag ng kanya-kaniyang pananaw at saloobin ang mga opisyal ng lalawigan kasama na ang iba’t ibang sector ng lipunan kung ano ang kanilang pananaw sa isyu ng paghahati ng Quezon.

Ang mga Quezonian naman ay nananatiling nalilito sapagkat hindi nila malaman kung papabor ba o hindi na mahati ito? Itinatanong nila sa kanilang sarili kung ano ang kahihinatnan sakaling yes or no ang kanilang ilagay sa balota.

Magugunitang ipinahayag ng apo ni Manuel L. Quezon na si Manuel Quezon 111, na hindi dapat na mahati ang lalawigan at kung maari pa nga na muling ibalik ang Baler dito at iba pang lalawigan na piningas sa Quezon.

Hindi rin pumapayag ang mga nauna nang gobernador sa lalawigan kung saan dapat na manariling buo ang Quezon dahil kaya naman itong paunlarin kung pagtutulungan ng mga opisyal.

Isang malaking kalokohan aniya ito ,ayon naman sa philontropist Ka Berting Licup na aniyay political will lamang naman ng opisyal ang kailangan.

Bagama’t maraming mga personalidad ang nagpapahayag ng disgusto na mahati ang Quezon ay pabor naman si Bishop Emilio Marquez na mahati ito dahil nakita daw umano niya ang kahirapan sa Bondoc Peninsula,lalo na ang kawalan ng mga ospital.Ganito ang kanyang naging simpatya lalo pa nga at namatayan sila ng pari noon dahil sa walang ospital na kaagad na pagdadalhan ng pasyente.Malalapit din umano ang kapitolyo sa kanilang lugar kung sakaling magkaroon ng Quezon del Sur.

Pabor din sina Bokal Rommel Edano at Bokal Gerald Ortiz, sapagkat mapapadali umano ang pagbibigay ng kaunlaran kung maliit na lugar lamang ang hahawakan ng isang gobernador o isang opisyal.

Ganito rin ang naging saloobin ni Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr kung saan pabor siyang mahati ang lalawigan.

Iginiit naman ni Vice Governor Kelly Portes na hindi kapitolyo ang maglilingkod sa taga Quezon kundi mga opisyal kung kaya’t mababaw na dahilan na ang pagkakaroon nito ay isa nang sapat na batayan upang mahati ang lalawigan.

Ipinaliwanag naman ni Bokal alona Obispo ang mga puntos kung ano ang mga advantages at disadvantages sakaling mahati ang lalawigan na lumilitaw sa kanyang ginagawang pagre-reasearch ay matatagalan pa ang sinasabing kaunlaran kung mahahati ang lalawigan.

Ayon naman sa mga mapang obserbang mamamayan sa Quezon hindi katwiran na hatiin sa dalawa ang Quezon bagkus ay ang dagdagan ay mga distrito upang magkaroon ng maraming kongresista at madagdagan ang mga pondong kailangan ng bawat bayan.

Isa rin umanong insulto ang paghahati sa mga kapitan del baryo ,konsehal at mayaor sapagkat lumabas na inutil ang mga ito sanhi ng hindi nila nagawang paunlarin ang kanilang lugar .

Gayunman, sa darating na itinakdang petsa ay gagamitin ng mga mamamayan ang kanilang karapatan bilang isang lihitimong taga-Quezon.

Inaasahan na hindi madadala ang mga boboto sa kinang ng salapi na tiyak ilalapit ng mga pulitikong mayroong mga pansariling interest sa lalawigan.









Please read....

No comments: