Saturday, November 22, 2008

NEWS: DIVISION OF QUEZON

Hindi awa kundi pang-unawa, para sa Quezon del Sur
Danny Estacio

BONDOC PENINSULA – Puno ng pag-asa para sa magandang hinaharap ang mga taga-Bondoc Peninsula kapag naitatag na ng Quezon del Sur.
Ito ang ipinarating ng mga lider ng ibat ibang samahan, katulad ng simbahan, sibiko, sanguniang bayan, sanguniang barangay, mga municipal mayor at dating mga punong bayan sa forum na tinalakay ang RA 9495, ang batas na lilikha sa Quezon del Sur na ginanap sa Catanaun,Quezon, noong Lunes, Nobyembre 17.
Isa sa nagbigay ng kaniyang paninindigan ay si dating provincial director ng Department of the Interior Local Government (DILG) Jose Collar na nagsabing malaki ang kaniyang paniniwala na kapag ang Quezon del Sur ay naipagkaloob sa 3rd at 4th districts magkakaroon ito ng pagkakataong mapaunlad ang kanilang sariling lugar.
Ang kailangan lamang ay mabigyan ng pagkakataon ang mga taga-3rd at 4th districts na maipakita ang kakayanan na maisaplano ang kanilang probinsya at mailagay sa tamang direksyon upang maipagakaloob ang serbisyo para sa mamamayan, ayon kay Collar.
Simple lang ang hangad ng mga nananalig sa Quezon del Sur, ang malapit na kapitolyo at pamahalaan upang mapaunlad ang bagong probinsya. Kasabay ng malakas na sigaw ang Yes sa Quezon del Sur.
Isa lang ang kanilang kahilingan ang huwag silang kaawaan, manapay, pang-unawa at tulong para maitatag nila ang bagong probinsya at hindi naman sila hihiwalay sa Quezon, dahil Quezon pa rin ang kanilang pangalan.
Ayon kay 3rd district board member Rommel Edano, na bagama’t, magiging dalawa ang probinsya ng Quezon ay iisa pa rin naman ang kanilang adhikain, at ito ay ang kaunlaran.
Inihayag pa nito na kapag natupad na maging probinsya ang Quezon del Sur, ang Internal Revenue Allotment (IRA) na makukuha nito ang magiging panimulang pondo na mailalaan para sa mga pangunahing programa ng bagong probinsya,
At ganun din, ang iba pang tulong na makukuha sa pangnasyunal na pamahalaan, na naipangako na ni Pang.Gloria Macapagal-Arroyo para tulungan sa pagsisimula ng nasabing probinsya.
Ang panawagan ng Diocese ng Gumaca sa pamamagitan ng mga pari na kabilang dito ay suportahan ang kanilang adhikain na mapaunlad ang kanilang lugar, sapagkat sila man ay mga ordinaryong mamamayan din na dama ang panghibirap ng mga ananinirahan sa nasabing mga distrito.
Sa panig nina Cong. Erin Tanada at Cong. Danilo Suarez na bigyan ng ilang panahon upang pamahalaan ng mga magiging lider ang Quezon del Sur.
Ang plebisito para sa Quezon del Sur ay itinakda ng Commission on Election sa Disyebre 13, 2008. (Danny Estacio)

No comments: