Saturday, November 22, 2008

NEWS IN TAYABAS CITY---TAYABAS QUEZON

BANNER SA MONDAY TIMES (NOV.24-30/08)

Mga kababayan ko, napaingo-Atty.Forbes
Tayabas,balik-bayan
Ni Jet Claveria

Hindi nakasunod sa panuntunan na hinihingi ng batas ang bayan ng Tayabas para maging lungsod kung kaya’t sinabi ng Korte Suprema sa desisyong ipinalabas nitong isang lingo
na ang “Tayabas City “ ay balik-bayan. Kaya naman nang malaman ang desisyon ,sinabi ni Atty. Euclides G. Forbes kilalang abogado sa probinsya ng Quezon na “napaingo lamang ang aking mga kababayan”.


Ang “Tayabas City” ay kabilang sa 16 na syudad na binawian ng ‘ cityhood ‘ ng Kataas –taasang Hukuman dahil sa kakulangan ng mga ito na makatugon sa katulad ng kawalan ng sapat na kita na dapat ay umabot sa P100 million na hindi naaprubahan noong 11th congress.

Kabilang ang Tayabas sa mga bayan na minadaling aprubahan ng mga Kongresista upang maging isang lungsod kaya’t hindi napag-aralang mabuti kung ang naturang bayan ay makatutugon ngang tunay sa hinihingi ng batas upang ganap na maging lunsod.

Ayon kay Forbes, paano ba naman nga magiging lunsod nga ang Tayabas ay ni kapirasong mall o sinehang pang 20 tao ay wala ito at dumadayo pa sa Lucena upang magshopping at manood ng sine.

“Dapat , aniya, natuto sila sa halimbawa ng Lucena bago ito naging lunsod at hindi naging kahiya-hiya”.

Kaugnay nito, aapela naman ang ibang alkalde na binawian ng taguring lunsod sa Korte dahil sa pagiging “unconstitutional.”


Sinabi ni Guilhungan, Negros Oriental Mayor Ernesto Reyes na iaapela nila ito dahil sa ginagampanan na nila at nakapagtayo na ng mga establisimiyento para sa isang lungsod tulad ng regional trial court at city schools.

Pipilitin umano nilang ipaliwanag sa Korte Suprema ang mga dahilan kung bakit dapat silang gawin nang isang lungsod at ipagtatanggol na kaya nilang tumayo bilang isa.

Sinabi naman ni Mati, Davao Oriental Mayor Michelle Rabat na ipapaliwanag nila sa korte na nakapagdesisyon na ang mga residente ng kanlang lugar na bumoto para sa pagiging lungsod ng kanilang bayan.

Sa desisyon ng Korte Suprema, pinaboran nito ang petisyon ng League of Cities of the Philippines na humiling na bawiin ang pagiging lungsod ng nabanggit na mga bayan.

Sinabi ng Korte na nilabag ng Kongreso ang “criteria” na isinasaad ng Local Government Code na nagsasabing kailangang kumikita ng P100 milyon kada taon ang isang bayan upang maging ganap na lungsod. Nabatid na wala umano sa nabanggit na mga bayan ang nakasunod dito.

Pinagbawalan rin ng Korte Suprema ang Commission on Elections na magsagawa ng plebisito para sa pagiging lungsod ng naturang mga bayan.

Sa pagiging lungsod ng naturang mga munisipalidad, makakatanggap ang mga ito ng mas malaking hati sa Internal Revenue Allotment (IRA) kumpara sa ibang mga mas mahihirap na munisipalidad.



Ang mga binawian ng pagiging lungsod ay ang mga bayan ng Baybay sa Leyte; Bogo sa Cebu; Catbalogan, Samar; Tandag, Surigao del Sur; Borongan, Eastern Samar; Tayabas, Quezon province; Lamitan, Basilan; Tabuk sa Kalinga; Bayugan sa Agusan del Sur; Batac, Ilocos Norte; Mati sa Davao Oriental; Guihulngan, Negros Oriental; Cabadbaran, Agusan del Norte; Carcar, Cebu; El Salvador sa Misamis Oriental; at Naga, Cebu.

Habang sinusulat naman ang balitang ito ay hindi pa rin nakapagbibigay ng kaniyang pahayag si Tayabas Mayor Dondi Silang kung ano ang kanyang reaksyon sa muling pagbabalik ng Tayabas sa Quezon.

No comments: