Friday, November 7, 2008

KALIWA'T KANAN KOLUM NI JET CLAVERIA

Please read....Kaliwat kanan
Ni Jet Claveria
Nantes, Alcala at Suarez…isama pa ang Talaga

Sa kainitan ng pagkapanalo ni Barack Obama bilang bagong pangulo ng Amerika ay mainit din ang usaping paghahati sa lalawigan ng Quezon.Gusto mang talakayin ng Kaliwat kanan ang isyu tungkol kay Obama ay mas minabuting pagtuunan ng pansin ang hati quezon.

Sina Gov. Raffy Nantes, Cong. Procy Alcala, Congressman Danny Suarez at City Mayor Ramon Talaga jr.,ang apat na opisyal na ito ay taga Quezon…Mga opisyal na nangangarap na mapaganda ang lalawigan …Mga opisyal na mayroong mga magagandang idea at pananaw kung paano pauunlarin ang kanilang lugar.Mga namiminunong pinagpipitaganan at sinasaluduhan sa kanilang mga programang tao ang nakikinabang.Walang itulak kabigin sa kanilang mga angking kasipagan.( tao na lamang ang mag elaborate )


Ngunit nakakalungkot isipin na sa kanilang pagsusumikap at mga naisin sa probinsya ay humantong sa isyung paghihiwalayin ito.Ano ang tunay na dahilan?Kaunlaran nga ba?Pansariling interest o ikagaganda ng political career ng isang pulitiko?

Ang apat ay ilan sa mga malalaking pulitiko sa Quezon.Kung tutuusin sa kanila pa lamang ay kaya na nilang higit na paunlarin ang malawak na lupain nina Quezon at Maria dela Cruz.Tiyak na magiging masaya ang kanilang mga anak na sina Aida ,Lorna at Fe..joke na pala.

Ngayong si Gov. Nantes ang gobernador ay sinisikap niyang maabot ang kanyang pangarap na “Pilipinas Quezon naman”.Bibiguin ba ang kanyang pangarap para sa lalawigan?Kung sa mga darating na panahon na nais rin ng tatlo pa na maging Gobernador ay hindi naman yata magiging akma sa kanila na pamunuan ang isang maliit na probinsya kung gusto nilang magkaroon ng Quezon del Sur at Quezon del Norte.Sayang ang kanilang talento at sipag kung kokonting mamamayan ang makikinabang dito.

Naging bulong-bulungan ngayon na tatakbong gobernador si Cong. Procy Alcala at sabi nga ni Celine ay nang makausap niya si dating Bokal Pasamba hindi bagay kay Congressman ang pamunuan ang maliit na lalawigan.

Sa pagreretiro naman ni Cong. Danny sa kaniyang tungkulin , dapat ay maging gobernador din siya at hindi rin bagay sa kanyang talino at sipag na maliit na lalawigan ang kanyang pangangasiwaan pagdating na siya naman ang nakaupo.

Gayon din naman si Mayor Talaga na ang kanyang mga programa ay hindi lamang pang lunsod kundi darating din ang panahong baka maging pang probinsya na.(who knows?)

Taong 1993 ng pasukin ko ang mundo ng pamamahayag.Taong 1999 umingay ang isyu ng hati Quezon.Kaniya-kaniyang paliwanag ang bawat isang mga proponent kung bakit nais nilang mahati. KAUNLARAN ang dahilan.Tandang-tanda ko pa noon ang sinasabi ng yumaong Vice Gov. Jovito Talabong nang mainterview siya sa aking programa sa radio.Nanggagalaiti siya sa kanyang paninindigan na hindi dapat matulad ang Quezon sa nangyari Aurora ng ihiwalay ito.Hindi rin umunlad nahiwalay pa .Gugulo ang isang malaking tahanan,masisira ang mga gamit at kakalat ito saan-saan.

Siyam na taon na ang nakakaraan.Tumahimik na ang usapin, muling binuhay subalit hungkag pa rin sa kaalaman ang mga mamamayan sa RA 9495.Maging ang mga Bokal sa sangguniang panlalawigan ay wala pa ring alam.Hindi maiharap ang kanilang mga mukha kung sa yes or sa no maninindigan.Natatakot sa kanilang mga diyos-diyusan na kung sabihin nila ang kanilang sariling pananaw ay masira ang kanilang mga political career at hindi sila tulungan.

Kaya mukhang engot ang mga mamamayan.Nalilito sa kanilang patutunguhan.Ano bang iboboto nila kung matutuloy ang plebesito gayong sa kaalaman ay kulang.Taga –linang din ang kaliwa’t kanan sa malayong Bondoc Peninsula.Nakakalungkot isipin na ang aking mga kababayan ay walang alam sa mga isyung ito ng akoy magtungo roon.Sariling pagsisikap ang kanilang ginagawa upang mabuhay at hindi umaasa sa gobyerno.Kaya bakit kailangan pang guluhin ang kaisipan ng mga taga Quezon.

Yon din naman ang pakiusap ng Kaliwat Kanan sa ating mga kasamahan sa media industry na huwag iligaw ang ating mga kababayan dahilan lamang sa kaibigan ni pulitiko.Hindi dahil kaibigan si gobernor, si congressman o si Mayor.Ipaliwanag natin ang mga advantages at disadvantage.

Ang tingnan natin ay ang kahihinatnan ng lalawigan.. ang mga pulitikong yaan ay hindi nakaupo habang panahon subalit ang lalawigan ng Quezon ang siya nating magiging dala-dala kahit saan tayong lugar magpunta.Maipagmamalaki nating sa ating lalawigan ay ilagay man ang probinsya ng Cavite, Batangas at Laguna ay luwag pa dahil sa laki nito.Maipagmamalaki natin ang magagandang tanawin na magiging tourist destination ng mga local at dayuhang turista.Ang kailangan lamang ay pagkakaisa at pagtutulungan ng mga namiminuno.POLITICAL WILL….

Kaya pakiusap kina Gov. Nantes, Cong. Alcala, Cong. Suarez at Mayor Talaga, kung talagang mahal n’yo ang mga taga Quezon.Mahalin n’yo rin ang bawat isa.Kung hindi man ninyo kayang kalimutan ang pulitika …kahit konti lang…. sanay laging isipin na tao ang nagsasakripisyo sa hindi n’yo pagkakasundo…Sabi nga ng iba imposible daw na magkasundo ang magkakalaban sa pulitika …Subalit sa isang namiminuno na mayroong malasakit at pagmamahal sa mga mamamayan.Yon ang inyong gagawin…ang magtulungan at magkaisa,magmahalan para sa ikauunlad ng bayan.Isasakripisyo ang kanilang pansariling interest at taumbayan ang dapat na makinabang.

No comments: