Saturday, November 8, 2008

NO SMOKING IN LUCENA








Please read....No smoking campaign para sa Lucena
By: Public Information Office


LUCENA City- Seryoso ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng “No Smoking Campaign” para sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Lucena.

Ito ang dahilan kung kaya’t inilunsad ng pamahalaang panglunsod sa pamamagitan ng General Services Office- Task Force 9003 ang “Padyakan Para sa Malinis na Hangin” kung saan tinatayang 200 siklesta mula sa iba’t ibang biker’s association ang nakiisa. Kasama rin sa programa ang pamimigay ng mga flyers na nagbababala sa pagbabawal ng paninigarilyo sa pampublikong lugar. Layunin ng nasabing aktibidad na magkaroon ng kamalayan ang publiko kaugnay sa “No Smoking Campaign” lalo na sa mga pampublikong sasakyan at hikayatin ang mamamayan na gumamit ng biseklita bilang alternatibong sasakyan.

Ayon kay Engr. Dan Cada, Hepe ng GSO, hindi lamang ito ang simula ng kanilang kampanya upang masigurong magiging malinis ang hangin sa lungsod at umaasa sila sa positibong tugon ng mga mamamayan dito.

Taong 2003 ng lagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ang Tobacco Regulation Act of 2003 (RA 9211) na naglalayong protektahan ang mga mamamayan laban sa masamang epekto ng paninigarilyo. Sa ilalim ng batas na ito, bawal na ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar gaya ng mga paaralan, ospital, mga terminal, restawran, pampublikong sasakyan at iba pa. Bawal na rin ang pagbebenta ng yosi sa mga tindahan na malapit sa mga paaralan, at di na pagbebentahan nito ang mga menor de edad.

Sa bahagi ng pamahalaang panglunsod, may umiiral nang ordinansa kaugnay ng RA 9211 at ito ay ang City Ordinance 1838, series of 1998, “An ordinance Prohibiting Smoking on Public Utility Jeeps, Buses and Tricycles.” Ayon sa naturang ordinansa bawat pampasaherong sasakyan ay kinakailangang may nakalagay na sign na “NO SMOKING” bilang paalaala sa mga drayber at pasahero na mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa nasabing sasakyan. Ang sinumang mahuhuling lalabag dito ay papatawan ng multang P100. Matatandaang, nakapamahagi na ang TF 9003 ng mga stickers sa mga pampublikong sasakyan.

Sa Pilipinas, ang mga kabataan ay nagsisimulang magsigarilyo sa edad na pitong (7) taon. Nagiging regular na ang paninigarilyo sa edad na 13 hanggang 15 taong gulang.
Ang paninigarilyo ang pinakaunang sanhi ng kamatayan sa buong mundo. Ayon sa Department of Health, isang tao kada 13 segundo, o isang milyong katao taun- taon, ang namamatay dahil sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay sanhi rin ng mga sakit sa puso, baga, kanser, diabetes, osteoporosis at marami pang iba. Ito din ay madalas na sanhi ng pag- atake ng hika.Bukod sa masamang epekto nito sa kalusugan, ang usok ng sigarilyo ay mayroong carbon monoxide na siya ring ibinubuga ng mg tambutso ng sasakyan. (PIO-Lucena)

No comments: