Friday, November 7, 2008

NEWS IN QUEZON

Padyakan para sa Malinis na Hangin, inilunsad
ni King Formaran
Upang higit na mapaigting ang kampanya tulad ng “No Smoking Campaign” sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Lucena, inilunsad kamakailan ng lokal na pamahalaan dito ang “Padyakan para sa Malinis na Hangin”.
Ito ang dahilan kung kaya’t inilunsad ng pamahalaang panglunsod sa pamamagitan ng General Services Office- Task Force 9003 ang nasabing programa kung saan tinatayang 200 siklesta mula sa iba’t ibang biker’s association ang nakiisa. Kasama rin sa programa ang pamimigay ng mga flyers na nagbababala sa pagbabawal ng paninigarilyo sa pampublikong lugar. Layunin ng nasabing aktibidad na magkaroon ng kamalayan ang publiko kaugnay sa “No Smoking Campaign” lalo na sa mga pampublikong sasakyan at hikayatin ang mamamayan na gumamit ng biseklita bilang alternatibong sasakyan.
Ayon kay Engr. Dan Cada, Hepe ng GSO, hindi lamang ito ang simula ng kanilang kampanya upang masigurong magiging malinis ang hangin sa lungsod at umaasa sila sa positibong tugon ng mga mamamayan dito.
Taong 2003 ng lagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ang Tobacco Regulation Act of 2003 (RA 9211) na naglalayong protektahan ang mga mamamayan laban sa masamang epekto ng paninigarilyo. Sa ilalim ng batas na ito, bawal na ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar gaya ng mga paaralan, ospital, mga terminal, restawran, pampublikong sasakyan at iba pa. Bawal na rin ang pagbebenta ng yosi sa mga tindahan na malapit sa mga paaralan, at di na pagbebentahan nito ang mga menor de edad.
Sa bahagi ng pamahalaang panglunsod, may umiiral nang ordinansa kaugnay ng RA 9211 at ito ay ang City Ordinance 1838, series of 1998, “An ordinance Prohibiting Smoking on Public Utility Jeeps, Buses and Tricycles.” Ayon sa naturang ordinansa bawat pampasaherong sasakyan ay kinakailangang may nakalagay na sign na “NO SMOKING” bilang paalaala sa mga drayber at pasahero na mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa nasabing sasakyan. Ang sinumang mahuhuling lalabag dito ay papatawan ng multang P100. Matatandaang, nakapamahagi na ang TF 9003 ng mga stickers sa mga pampublikong sasakyan.
Sa Pilipinas, ang mga kabataan ay nagsisimulang magsigarilyo sa edad na pitong (7) taon. Nagiging regular na ang paninigarilyo sa edad na 13 hanggang 15 taong gulang.
Ang paninigarilyo ang pinakaunang sanhi ng kamatayan sa buong mundo. Ayon sa Department of Health, isang tao kada 13 segundo, o isang milyong katao taun- taon, ang namamatay dahil sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay sanhi rin ng mga sakit sa puso, baga, kanser, diabetes, osteoporosis at marami pang iba. Ito din ay madalas na sanhi ng pag- atake ng hika.Bukod sa masamang epekto nito sa kalusugan, ang usok ng sigarilyo ay mayroong carbon monoxide na siya ring ibinubuga ng mg tambutso ng sasakyan.
Please read....


“Iwas Plastik Bag” campaign, inilunsad sa Pagbilao Power Plant employees
nina Lyn Catilo at King Formaran
Kaalinsabay ng pagdiriwang ng International Coastal Clean-up ay inilunsad kamakailan ng Pagbilao Power Plant ang Iwas Plastik campaign sa mga empleyado upang hikayatin sila na bawasan kung di man mapigilan ang paggamit ng plastic bag lalung lalo na kung sila ay namimili sa palengke, tindahan, malls, atbp.
Isang contest ang inilunsad ng Environmental office kung saan ang mga empleyado na may pinakamaraming bilang ng paggamit ng mga bayong sa pamamalengke o kahit sa mall ay may katumbas na premyo. Ang mga larawan o photos na kuha sa pamilihan ang magsisilbing patunay na di plastic ang gamit nila.
Isang company policy ang nilagdaan upang ipagbawal ang paggamit ng plastic bag sa planta lalo na sa canteen nito. Ang ibang opisina ay hinihikayat din na bawasan o iwasan ang paggamit ng plastic. Marami nang mga empleyado ang sumusunod sa Solid Waste Reduction and Management Program ng kompanya. Ngayon, ang di paggamit ng plastic ay ipinapatupad na din ng Far East Hotel Management & Consultancy, Inc ( FEHMCI) sa Bayview Accommodation na kasalukuyang pinangangasiwaan nito.
Ang plastic material ang siyang pangunahing sanhi ng polusyon sa mga karagatan dulot ng pagtatapon ng mga basura ng mga tao. Kalimitan ang mga balat ng kendi, ang pinaglagyan ng mga chichiria, atbp ay naaanod mula sa kanal o sewage pipes, dadaan sa mga ilog patungong karagatan. Dahil dito naaapektuhan ang mga marine life at namamatay tulad ng pawikan, dolphins, whales, seals atbp. pagkaraang makakain ng plastic na akala nila ay pagkain.

Upang mapanatiling malinis ang bayan ng Dolores
TK at Mayor Alillo, itinaguyod ang MRF
nina Lyn Catilo at King Formaran
Dolores, Quezon - Ipapatupad na ang bagong Collection Scheme ng Basura sa bayan ng Dolores Quezon na bahagi ng programa ng local na pamahalaan sa kanilang Barangay na Solid Waste Management Program gaya ng Segregation o paghihiwalay ng basura sa nabubulok at hindi nabubulok.
Ayon kay Atty. Shiella de Leon, Area Director ng Tanggol Kalikasan, simula noong a-3 ng buwang kasalukuyan, sinimulan na ang paghahakot ng mga basura sa mga barangay sa Dolores kung saan wala ng truck na dadaan at mangongolekta ng basura kundi ang tanging kukuha sa mga basura ay ang itinalagang Eco-Aid o Pushcart na magbabahay-bahay.
Hindi kukunin o kokolektahin ang basura sa kabahayan kung hindi ito nakaayos, gaya ng kagustuhang mangyari ni Dolores Mayor Renato Alillo na umpisahan sa sariling tahanan ang pagbubukod-bukod ng basura, ito ay unang pasisimulan sa 4 na barangay sa Poblacion ng bayang ito.
Ang lahat ng nakolektang basura o panapon ay dadalhin sa Eco- Center kung saan matatagpuan ang Composting Facility at Material Recovery Facility o MRF malapit sa munisipyo ng Dolores Quezon.
Ayon kay Ms. Juliet Aparicio, Project Coordinator ng Solid Waste Management ng TK, ang MRF ay isang istraktura na pagdadalhan ng nakolektang basura na para iproseso na gamit ang alternatibong teknolohiya.
Upang maging matagumpay ito, nanguna mismo si Mayor Alillio sa ginawang pagbubukas MRF at ipinamahagi ang mga pushcart sa mga barangay opisyal sa 4 na barangay ditto.
Sa harap ng mga kawani sa isinagawang flag raising ceremony, sinabi pa ng alkalde na ang problema sa basura ay isa sa mga prayoridad niyang reresolbahin.
Magugunita ang bayang ito ay nanalo sa Panibagong Pamamaraan ng World Bank na isinali ng Tanggol Kalikasan na nagkamit ng malaking halaga para sa proyekto.

Kaugnay nito, ang Tanggol Kalikasan ang katuwang ng lokal na pamahalaan na gumagabay sa mga mamamayan dito lalo na sa mga mag-aaral sa tamang pamamahala ng basura na pagbibigay ng impormasyon tungkol dito.

Buli-Buli, nahuli ng Task Force Karagatan
nina King Formaran at Lyn Catilo
Alabat, Quezon - Sinubok agad ang humigit kumulang na 40 bantay dagat na sumasailalim sa pagsasanay sa batas pangisdaan na isinagawa kamakailan dito.
Bilang bahagi ng kanilang pag-aaral, agad na nagsagawa ng operasyon ang Task Force Karagatan kasama ang mga trainees na bantay dagat na nag-operate kamakailan kung saan naging positibo ang lakad ng mga ito na nagresulta ng pagkakahuli sa isang buli-buli na nag-ngangalang Glea Cela na lulan ng anim na katao na pawang mga taga Brgy. Caridad Atimonan, Quezon na namamalakaya sa karagatan sakop ng bayang ito.
Kinumpiska ng grupo ang bangka, lambat at pabigat na gamit sa pag-iiligal na pamalakaya na ngayo’y iniaahon na sa pantalan upang dalhin sa himpilan ng pulisya.
Kaagad na dinala ng Department of Agriculture ng Alabat ang mga suspek sa lokal na pulisya dito at dinala sa Gumaca, Quezon para sampahan ng kaso.
Ayon kay Atty Shiela De Leon ng Tanggol Kalikasan nilabag ng mga mangingisda ang Fishery Administrative Order No. 222 na may kaugnayan sa RA 8550 na posibleng makulong ang mga lumabag dito ng dalawa hanggang sampung taon.

Ayon sa mismong ina ng biktima
Batang natamaan ng bala sa ginawang paglusob ng NPA sa QPJ, ligtas na
ni King Formaran
Lucena City - Nasa maayos na nakalalagayan ang batang si Daryll Javier na natamaan ng shrapnel ng Granada sa nakaraang tensyon sa pagitan ng pulis at mga rebelde ng pasukin ng mga ito ang Quezon Provincial Jail kamakailan.
Ayon sa ina ng batang biktima na si Aling Wilya Javier, nakakakain na at nakakausap na ang kanyang anak matapos itong maoperahan noong nakaraang linggo sa Mt. Carmel Hospital na mahigit isang linggo ng ginagamot.
Sinabi pa ni Aling Wilya na noong una nagagalit siya sa mga pulis, pero ng mismong ang anak niya ang nagsabi na walang kasalanan at hindi sa pulis nanggaling ang granada ay saka pa lamang ito naniwala at naalis ang tampo sa pulis.
Si Daryll daw ng mga oras na yaon ay kumakain sa stall ng Bigmak, ng biglang tamaan ito ng granada , kung saan agad na sinaklolohan ni PO1 Darwin Japor na dinapaan ito at itinakip ang katawan sa bata kaya ito ang napuruhan ng tama ng granada .
Malaking pasasalamat naman ng pamilya ni Daryll kay PO1 Japor na dapat lamang daw itong bigyan ng parangal sa pagsagip sa buhay ng kanyang anak, may mga ganito pa rin pala aniyang mga pulis na handang magbuwis ng kanilang buhay, dagdag pa ni Aling Wilya.

No comments: