Saturday, November 8, 2008

Transco,PNP, Army at Media.....





Upang masolusyunan ang pagnanakaw ng kable ng TransCo
Transco, PNP, Army at media, nagpulong
nina Lyn Catilo at King Formaran
Tiniyak ng hanay ng kapulisan sa lalawigan ng Quezon gayundin ng Phil. Army na magtutulungan sila upang masawata ang patuloy na problema ng TransCo na pagkawala ng kanilang kable at ilan pang mahahalagang gamit ng nasabing kompanya na siyang nagiging dahilan ng problema sa kanilang operasyon.
Ayon mismo kay Quezon Provincial Director S/Supr. Fidel Posadas, isa ang tower na pag-aari ng TransCo at mga gamit ng mga ito ang babantayang mabuti ng kanyang mga tauhan sa tulong na rin ng mga mamamayan mismo na siyang nakakakita ng mga insidente ng pagnanakaw.
Aminado ito na malalayo ang mga lugar na kinatatayuan ng mga tower ng Transco at ito’y mga nasa bulubunduking lugar kung kaya’t mainam aniya na mismong mga barangay officials ang magparating sa kanila ng problema upang mabilis ito na maaksyunan.
Ang pagpupulong na ginawa ng iba’t-ibang sektor sa Queen Margarette kamakailan ay naglalayon na maresolbahan ang lumalalang problema sa nakawan ng mga tower parts ng TransCo.
Hangad ng pamunuan ng TransCo na madakip ang mga nagnanakaw at makasuhan sa korte nang sa gayon ay tuluyan ng mahinto ang iligal na gawain.
Ipinaliwanag ni Mr. Padua, Security Chief ng TransCo na malaking problema ang epekto ng ginagawang pagnanakaw ng tower parts tulad ng madalas na black-out at ang pagkasira mismo ng tower parts na nagreresulta sa pagbagsak nito laluna kung may sama ng panahon tulad ng bagyo.
Nalulugi rin umano ang gobyerno at gumagastos ng napakalaking halaga sa pagbabalik nito kung kaya’t sayang ang salapi na dapat ay nagagamit sa iba pang programa ng pamahalaan.
Bunga nito, paiigtingin ang pagbabantay sa kanilang mga ari-arian tulad ng pagdadagdag ng mga security guard sa kinatatayuan ng mga tower at ang paglalagay na rin ng mga choke point upang kaagad na mahuli na mahuli ang mga nagbibiyahe nito o mga junkshops na namimili ng mga nakaw na kable ng TransCo.
Nanawagan pa si Padua sa PNP, Army at media na suportahan ang kanilang kampanya nang sa gayon ay maiwasan ang malaking pinsala na dulot ng pagnanakaw ng ilang tower parts na tao rin mismo aniya ang naaapektuhan.











Please read....

No comments: