Please read....IRON WILL
ni Celine M. Tutor
Quezon Province, dapat bang hatiin?
Papainit ng papainit ang usapin hinggil sa paghahati umano ng lalawigan ng Quezon. Kung dati-rati ang usaping ito ay hindi nabibili sa mga tindahan o kahit sa mga barber shops, ngayon ay kaliwa’t-kanan ang isinasagawang forum sa iba’t-ibang eskuwelahan at lugar sa lalawigan.
Iba-iba ang damdamin ng mga tao dito. May mga pumpabor at mariing tumututol. Kanya-kanya ng dahilan kung bakit.
Kung ang pakikinggan ay ang kababayan kong si 3rd district Board Member Rommel Edaño at Atty. Asis Perez ng grupong Tanggol Kalikasan, dapat na mahati ang lalawigan upang mabigyan naman ng pagkakataon ang mga taga-3rd at 4th district na umasenso at mabilis na dumaloy ang programa ng gobyerno ngunit kung sina 1st district Board Members Alona Obispo at Tetchie Dator ang tatanungin, sinasabi nilang hindi dapat. Hindi ang paghahati ang solusyon upang umangat ang pamumuhay ng mga taga-Quezon kundi nasa kalidad ng serbisyo ng mga nanunungkulan dito.
May mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan noong Lunes na iwas-pusoy sa pagdedeklara kung ano talaga ang kanilang posisyon sa usaping ito. LET THE PEOPLE DECIDE. Ito ang mga sinabi nina Bokal Romano Talaga, Kulit Alcala
Kunsabagay, taong-bayan naman ang magdedesisyon. Tao ang hahatol.
Ang grupo nina Atty. Sonny Pulgar, kasama si Mr. Hobart Dator, Jr., John Bello atbp. ay patuloy naman na naninindigan na ‘di dapat mahati ang lalawigan. Sila ang bumubuo ng Save Quezon Province Movement.
Sa usaping ito, nananatiling pabor na mahati ang Quezon si 4th District Reps. Erin Tañada at Danilo Suarez.
Kung anuman ang kahinatnan ng usaping ito, patuloy nating susundan at mamatyagan. Basta ang paniwala ni dating 1st district Board Member Ely Pasamba, kung ang gobernador ng Quezon ay isang tulad ni Cong. Procy Alcala, ‘di na dapat hatiin ang Quezon, dahil kayang-kaya niya itong paunlarin. SIPAG at DETERMINASYON lamang ang kailangan.
LtCol. Tello, tuloy sa pagseserbisyo
Kilala ng mga mayors at iba pang public officials gayundin ng mga peace advocates sa bahagi ng Bondoc Peninsula sa Quezon Province si LtCol. Rommel K Tello ng 76th Infantry Battalion na mahusay na Battalion Commander, may puso at lalo’t higit matuwid sa kanyang propesyon.
Maraming magagandang programa si LtCol. Tello kung paano higit na maibibigay ng Armed Forces of the Philippines, partikular na ng 76th IB ang magandang serbisyo sa mga mamamayan.
Ilang beses ng ipinaliwanag ng opisyal sa programang Punto por Punto sa DZAT kung paano niya inilalapit ang sundalo sa bawat mamamayan. Tapos na aniya ang panahong natatakot ang isang ordinaryong tao sa sundalo. Ang mga sundalo aniya ngayon, ayon na rin sa nais ni SOLCOM Chief Lt.Gen. Delfin N Bangit ay tumutulong na sa pangangailangan ng bawat komunidad. Tumutulong na sa mga gawaing makabubuti sa bawat isa at kabahagi na ng pamahalaan sa pagbibigay ng magandang serbisyo.
Paborito si LtCol. Tello ng mga alkalde sa Bondoc Peninsula at kahit yata saan siya magpunta ay binabati siya at isa na dito si Macalelon Mayor Liwayway Tan.
Naaalala ng IRON WILL nang magkaroon ng forum tungkol sa diumano’y paglabag sa human rights ng kasundaluhan sa Benigno Aquino Hall, sa lungsod ng Lucena ay pinatunayan mismo ni Mayor Tan na mababait ang mga sundalo na nasa ilalim ng pamamahala ni LtCol. Tello.
Paulit-ulit kong sinasabi na ang katotohanan ay ‘di puedeng itago kahit kailan kaya ang sinabi ni Mayor Tan ay bunga ng kanyang nakikita kung pa’no magtrabaho at magserbisyo ang mga taga-76th IB.
Ngayon, si Col. Tello ay inirereklamo ng Karapatan-Quezon sa CHR dahil sa umano’y ginagawang campus repression.
Paliwanag ni Sir dito ay nagalit sa kanya ang nasabing grupo dahil nabulabog at nabuwag ang ginagawang recruitment ng mga NPA sa PUP-Lopez, Quezon.
Personal na napuntahan ng IRON WILL noong mga nakalipas na buwan ang PUP-Lopez at pinatunayan mismo ng ilang estudyante doon na may mga student leader sila noon na nagiging katulong ng mga makakaliwang grupo para marecruit ang mga mag-aaral dito.
Dahil doon, humingi ng tulong ang mga professors ng nasabing eskuwelahan sa mga awtoridad at ang bunga…kinasuhan nga sa CHR si LtCol. Tello.
Walang paglabag sa karapatang pantao, hindi sinikil ang kalayaan ng mga estudyante at ang sundalo ay ginampanan lamang ang kanilang tungkulin. Sa katunayan nga, sabi ni Lt.Col. Tello ay maraming mga magulang ang nagpapasalamat sa kanila dahil nailigtas sa kamay ng mga NPA ang kanilang mga anak kung sakali.
Isipin n’yo na ‘lang kung ang anak n’yo ay na-recruit ng nasabing makakaliwang grupo. Ang akala n’yo ay nag-aaral pa ang inyong mga anak pero ‘yun pala ay ibang training na ang ginagawa.
Ang PUP at iba pang eskuwelahan na tulad nito ay ilan lamang sa madalas na puntahan ng mga NPA at nire-recruit ang mga estudyante. Mula kasi sa mahirap na pamilya ang ilang estudyante dito na kapag napaliwanagan ng mga nangyayaring kabulukan sa gobyerno ay sumasanib na at tinutuligsa na ang pamahalaan na umpisa naman ng pag-anib sa naturang grupo.
Ayon kay Lt.Col. Tello, mananatili silang mapagmatyag sa ganitong mga sitwasyon. Sa kabila ng mga kasong isinasampa sa kanila ay patuloy niyang gagawin ang sa tingin niya ay tama at karapat-dapat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment